Ipinaliliwanag sa papel na ito kung paanong isang nakamihasnan at tanyag na pangkalahatang tawag lámang ang “sáling-awit” (song translation) sa isang higit na komplikadong lingguwistiko at malikhaing praktis na malaking bahagi ng pag-unlad ng makasaysayan at popular na musikang Filipino. Bukod sa aktuwal na pagsasalin ng kanta, na siyáng pinakaangkop na tawaging “sáling-awit,” may nagaganap pang “halaw-awit,” “palít-awit,” at “lápat-awit.” Gámit ang Pambansang Awit ng Filipinas, bílang pangunahing halimbawa ng “lápat-awit” at “halaw-awit,” at ang iláng teksto ng mga naisaplakang popular na kanta noong dekada kuwarenta at singkuwenta, bílang mga halimbawa ng “palít-awit,” tinutukoy at nililinaw dito ang pagkakaiba ng apat na proseso at ang mga pangwika, pangkultura, at panlipunang implikasyon ng mga ito. Ganap na nirerebisa dito ng awtor ang mga panimulang pagkakategorya sa naunang pag-aaral na ginawa niya tungkol sa kasaysayan, sining, at proseso ng “saling-awit” na nalathala noong 2010 at naging pangunahing sanggunian tungkol sa nasabing paksa. Pahapyaw na pinagtutuonang-pansin din sa kasalukuyang pagtalakay ang mga tentatibong konsiderasyong pang-estetika at pang-etika sa praktika ng “sáling-awit” bílang isang mahalagang aspekto o sangay ng pagsasaling-pampanitikan.