Hulagway ng Pagwasak sa Kalikásan at Kapaligiran: Ang mga Eko-Panitikang Manobo na Nagtatanghal ng mga Hámong Ekolohikal
Layunin ng pananaliksik na mailahad ang iba’t ibang hulagway o larawan ng pagkawasak ng kalikásan at kapaligiran na inilalarawan ng mga eko-panitikan. Dinalumat ang mga eko-panitikang-bayan ng Tribong Manobo sa Timog Agusan gámit ang lente ng ekokritisismong minatori na nagbibigay-tuon sa paglalahad ng mga banta na dalá ng tao sa kalikásan. Paulit-ulit na binása ang nalikom na mga panitikang-bayan upang limiin ang iba’t ibang hulagway ng pagkawasak ng kalikásan at kapaligiran. Ang mga konsepto na nakuha mula sa mga oral na panitikan ay pinagtibay ng mga kaugnay na konseptong lumabas sa Focus Group Discussion (FGD) kasáma ang mga miyembro ng Konsehu tu Manigaon o Konseho ng Matatanda ng mga Manobo.
Natuklasan na ang mga eko-panitikang bayan ng tribong Manobo ay nakapaglalarawan kung paano nawasak ang kalikásan sa lupang minana ng tribong Manobo. Nagsisilbing komprehensibong hulagway ang mga eko-panitikan sa mga hámong ekolohikal gaya ng labis na migrasyon o pandarayuhan, labis na materyalismo o pagkagahaman sa materyal na bagay, at mga pagbabago na nakasasamâ sa kalikásan. Samakatuwid, ang mga eko-panitikang-bayan ng tribong Manobo na sinuri at dinalumat sa pag-aaral ay nakapaglalarawan ng relasyong minatori sa pagitan ng tao at kalikásan.
Mga Susing Salita: Eko-Panitikan, Hulagway ng Pagwasak, Eko-Kritisismong Minatori, Hámong Ekolohikal
Basahin ang artikulo