Erap Laki-Mata, Gloria Laki-Nunal: Politikal na Pagkakarnabal sa Tulansangan

Erap Laki-Mata, Gloria Laki-Nunal: Politikal na Pagkakarnabal sa Tulansangan

Michael Francis C. Andrada Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Sinisiyasat ng papel na ito ang transgresibong potensyal ng mga tulansangan o maiigsing tula at tugma na ginagamit ng mga bata sa kanilang paglalaro sa lansangan. Kalakhan ng mga tulansangan ay nakolekta sa pakikipanayam sa mga batang may gulang na anim hanggang 12 taon at nagmula sa sektor ng maralitang lungsod ng Quezon City. Ang mga nilalaman at tema ng mga tulansangan ay inaral batay sa pagsusuring moda ng produksyon. Sa partikular, ipinakikita sa pag-aaral kung paanong ang mga tulansangan ay naging paraan ng interpretasyon at kritika ng politika, ekonomiya at kultura ng Pilipinas mula sa punto de bista ng isang mardyinalisadong sektor ng lipunan.

Basahin ang artikulo
Panimulang Pag-aaral ng Wikang Filipino sa UCLA: Kasalukuyang Lagay at Direksiyon

Panimulang Pag-aaral ng Wikang Filipino sa UCLA: Kasalukuyang Lagay at Direksiyon

Nenita Pambid Domingo Unibersidad ng California, Los Angeles, U.S.

Binubuod ng pag-aaral na ito ang lagay ng pagtuturo ng wika at kalinangang Filipino sa Unibersidad ng California sa Los Angeles sa panimulang antas ng pag-aaral na ang katatasan sa wikang Filipino sa panimula ng pag-aaral ay 0 hanggang 0+ ayon sa pamantayan ng ACTFL ILR OPI (American Council on the Teaching of Foreign Languages Interagency Language Roundtable Oral Proficiency Interview) sa Estados Unidos. Batay sa karanasan, ang mga elementong nangangailangan ng kaukulang pansin ay ang mga sumusunod: morpolohiya, kaukulan, sintaksis, pokus, aspekto, at panagano ng pandiwa, at diin, intonasyon sa pagsasalita. Problematiko rin ang paggamit ng pang-angkop sa pagitan ng iba’t ibang bahagi ng pananalita para sa mga nag-aaral ng wikang Filipino. May ilang mga aklat na nalimbag na tuwirang pinagtutuunan ng pansin ang pagpapabuti ng mga naturang problematikong elemento ng pagtatamo ng wikang Filipino sa mga mag-aaral na ang unang wika ay Ingles na siyang direktang pinagmumulan ng kahinaan sa mga naturan. Nakita rin na ang ibang mga wikang Pilipino na siyang mga wikang ginagamit sa tahanan tulad ng Kapampangan, Ilokano, Bisaya, at iba pa ay nakakaapekto rin sa kinis ng pagkatuto ng wikang Filipino. Ang pag-aaral na ito ay isang eksploratoryo at panimulang pagsipat sa maaaring maging interbensiyon tungo sa mas masinop na pagtuturo ng mga guro at sa mabilis na pagtatamo ng wika ng mga mag-aaral ng wika at kalinangang Filipino.

Basahin ang artikulo
Paglalakad at Pag-unawa sa Session in Bloom

Paglalakad at Pag-unawa sa Session in Bloom

Ivan Emil Labayne Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Babasahin ng papel na ito ang Session in Bloom bilang isang kultural na kaganapan, partikular bilang manipestasyon ng kontemporanyong pamilihan at sintomas ng modernong urbanisasyon. Susuriin ang pagkakatugma o ‘di-pagkakatugma ng lohikang gumagana sa Session in Bloom sa sa tabi ng magkakaibang ideya: ang carnival ni Mikhail Bakhtin at ang mga pagmumuni-muni ukol sa pamilihan-bilang-laberinto ni Walter Benjamin. Magmumula sa paghahambing ng Session in Bloom sa pamilihang kinagiliwan ni Benjamin ang pag-iibang anyo ng pamilihan sa takbo ng kasaysayan.

Basahin ang artikulo
Mga Politika ng Dila: Imahe(Nasyon), Kaakuhan at Erotisismo sa Nobelang Lumbay ng Dila (2010)

Mga Politika ng Dila: Imahe(Nasyon), Kaakuhan at Erotisismo sa Nobelang Lumbay ng Dila (2010)

John Clifford E. Sibayan Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Ang pagkalikha ng nobela, ayon sa kritikong si Resil Mojares, ay isang pambansang proyekto. Dumaan ito sa mahabang pagbabago mula sa pagkabatid natin sa genre ng nobela na ipinaman ng mga kolonyalistang Kastila hanggang sa pagbabagong pinagdaanan nito sa ilalim ng mga kolonisador at imperyalistang Amerikano at Hapon, hanggang sa kontemporanyong produksyon ng mga kasalukuyang nobelista. Ang papel na ito ay tinatayang ambag sa patuloy na pag-aaral ng tradisyon ng nobela sa Pilipinas, gamit ang isang nobelang nagmula sa rehiyon ngunit nakasulat sa wikang Filipino, ang nobelang Lumbay ng Dila (2010) ni Genevieve L. Asenjo. Bilang ambag sa pagpapaunlad ng pagaaral ng nobela, sinuri ng papel na ito ang iba’t ibang politika o relasyong pangkapangyarihan na nagtatalaban sa nobelang Lumbay ng Dila. Bilang isa sa mga kontemporanyong nobela, masisipat sa Lumbay ng Dila ang mayamang talaban ng mga politika o relasyong pangkapangyarihan. Sa partikular, ipinakita sa papel ang politika ng wika, politika ng espasyo, politika ng katawan at politika ng kasaysayan – at kung paano nito hinulma ang proyekto ng bansa bilang isang nobela.

Basahin ang artikulo
Pasubo bilang Panata: Pagbabalik, Pagtatagpo at Pagdiriwang sa Pook Pangkalinangan ng Pateros

Pasubo bilang Panata: Pagbabalik, Pagtatagpo at Pagdiriwang sa Pook Pangkalinangan ng Pateros

Voltaire M. Villanueva Pamantasang De La Salle-Maynila

Nakatuon ang papel sa pasubo, isang ritwal na pangunahing bahagi ng pista ng Pateros. Gamit ang pamamaraang etnograpiko, nangalap ng datos upang suriin ang ritwal bilang batayan ng  mayamang kalinangang bayan. Batay sa lapit na historikal, tatalakayin ng pag-aaral ang ugat ng pasubo bilang panata ng mga magbabalut kay Santa Marta na sa pagdaloy ng panahon ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo at kahulugang kultural. Sa pagsusuri sa ritwal bilang pagwiwika, nagpapahiwatig ito ng  paraan ng pagkontrol sa pagkilos upang isabuhay at ilapat ang mga tungkuling panlipunan. Dahil dito, nagkakaroon ng ugnayan ng mga mamamayang taal (kaugnay ng pagbabalut) at di-taal (dayo at nais sumaksi sa pasubo) na taga-Pateros. Sa huli, inilatag ng pag-aaral ang  paglahok sa pasubo bilang “pagbabalik,” “pagtatagpo,” at “pasasalamat” na bunga ng maigting at organikong ugnayan ng tao sa kapaligiran at isang produkto ng talastasang bayan.

Basahin ang artikulo
Desposoryo: Katekesis sa mga Mag-iisang Dibdib sa mga Gilid-gilid at Suluk-sulok ng mga Bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan

Desposoryo: Katekesis sa mga Mag-iisang Dibdib sa mga Gilid-gilid at Suluk-sulok ng mga Bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan

Arvin D. Eballo Institute of Religion Unibersidad ng Santo Tomas

Desposoryo ang tawag sa pinakahuling yugto ng proseso ng pamamanhikan para sa mga ikakasal sa mga bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan. Isa itong ritwal ng pagkakasundo sa pagitan ng mga pamilya na kinasasangkutan rin ng mga tagabaryo. Upang unawain ang kabuluhang kultural ng desposoryo, nangalap ng etnograpikong datos ang mananaliksik sa pamamagitan ng pamamaraang K. Ang pamamaraang K ay nakatuon sa obserbasyon at pakikilahok kaya nakaayon sa kamalayan at buhay ng mga Tagalog. Nahahati ito sa tatlong hakbang ng panunuri ayon sa: Katalaan, Karanasan at Kahulugan. Sa pamamagitan nito, isiniwalat ng papel ang mga aral at epekto ng desposoryo sa mga mag-iisang dibdib; sinuri ang mga kaugaliang Bulakenyo na nakapaloob dito; at pinatunayan kung paanong ang kaugaliang ito ay isang halimbawa ng inkulturadong (inculturation) katekesis na pinagyayaman ang kulturang Tagalog at Kristiyanong pananampalataya.

Basahin ang artikulo
Si Roque Ferriols, Wika, at ang Larong Basketbol

Si Roque Ferriols, Wika, at ang Larong Basketbol

Emmanuel C. De Leon Departamento ng Pilosopiya Unibersidad ng Santo Tomas

Ang papel na ito ay tumatalakay sa gawaing pilosopikal na iminumungkahi ni Roque Ferriols, isang paring Heswita, dalubguro, at pilosopo. Sa unang bahagi ng papel, masinsinang inuugat ang proyekto ng nasabing pilosopo. Nakasentro sa pagmumulat sa halaga ng gawaing pagpapakatao at pagkahiwatig ni Ferriols sa potensyal ng wika ang papel na ito. Sa pagkagising at pagkamulat natin sa reyalidad ng wika bilang tahanan ng katotohanan, kailangan itong itaas sa nibel ng epistemolohiya. Kasama rito ang hamon ng pag-iisip sa gilid-gilid. Sa huling bahagi ng papel, isang matapat na pagtingin sa larong basketbol ang ating matatagpuan upang magbigay ng isang kongkretong praktikum sa uring pag-iisip na inilalarawan ni Ferriols. Penomenolohikal ang pamamaraan. Hindi ito nagnanais na maglagay ng mga ganap na depenisyon, bagkus layunin lamang nitong maglarawan ng uring kaisipan mula sa mga tuwirang sinabi ni Ferriols sa kanyang mga sinulat at sa mga pahiwatig nito.

Basahin ang artikulo
Ang Diyalektika ng Pilosopiyang Filipino batay kay Theodor Adorno

Ang Diyalektika ng Pilosopiyang Filipino batay kay Theodor Adorno

Jovito V. Cariño Departamento ng Pilosopiya Unibersidad ng Santo Tomas

Ang pilosopiyang Filipino ay karaniwang inilalarawan bilang pagsisiwalat ng katutubong kaisipan. Kaakibat nito  ang paghimok ng paggamit ng wikang Filipino tungo sa paghahanap ng pananaw na sariling-atin bilang patunay na ang logos ay umusbong din sa ating sariling kalinangan. Bagamat hindi matatawaran ang mga nakamit na ng pagsisikap na ito, naninindigan pa rin ako na ang pilosopiyang Filipino, bilang isang lehitimong pilosopikal na diskurso, ay hindi dapat ituring na kasangkapan lamang sa pagbuo ng identidad o kaya tulay lamang upang buhayin muli ang pambansang gunita ng isang lumipas na hindi pa nadudungisan. Kung nais nating palawakin ang ating kakayanang mamilosopiya bilang mga Filipino, hindi natin dapat hayaan ang pilosopiyang Filipino na makulong sa diskurso ng identidad o nasyonalismo.  Mas magiging makabuluhan ang panukalang  ito kung aalahanin natin na ang sarili bilang isang konsepto ay malaon nang problematiko. Sa papel na ito, sinikap na ilapat ang mga kaisipan tungkol sa diyalektika ni Theodor Adorno sa pagbabakasakali na makasumpong ng iba pang posibilidad para sa pilosopiyang Filipino.  Naging gabay sa pagtalakay ang tanong na: May pupuntahan ba ang pilosopiyang Filipino liban sa diskurso ng sariling-atin?  Nananalig ang papel na ito na may puwang pa ang pilosopiyang Filipino sa labas ng tunggalian ng Silangan at Kanluran, ng katutubo at ng dayuhan, ng atin at ng hiram. Sa panahon na tuluyan nang binago ng globalisasyon ang ating tradisyonal na pag-unawa tungkol sa pagkabansa, kultura at akademikong disiplina, hindi na maikakaila pa ng mga tagapagsulong at mananaliksik ng pilosopiyang Filipino ang pangangailangan na muling usisain kung sino nga ba tayo bilang Filipino habang sinisikap nating gawing mas makabuluhan pa ang pilosopiya sa ating kasalukuyang panahon.

Basahin ang artikulo
Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Varyasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula

Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Varyasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula

Julieta A. Cruz-Cebrero JH Cerilles State College, Zamboanga Del Sur

Ang mga Subanen ay isa sa mga etnikong pangkat na naninirahan sa Zamboanga Peninsula. Isinagawa ang pag-aaral upang malaman ang linggwistikong pagkakaiba sa wikang   Subanen na ginagamit sa Lapuyan, Zamboanga del Sur at sa Sindangan, Zamboanga del Norte. Kinalap ang mga katawagang kultural sa siklo ng buhay, pangkabuhayan at pananampalataya sa pamamagitan ng pamamaraang indehinus nina Santiago at Enriquez. Sinuri ang mga ito gamit ang kwalitatibo, kwantitatibo at deskriptibong pamamaraan. Sa huli, natuklasan na ang dalawang dayalek na Subanen ay may varyasyon sa leksikon, morpolohiya at ponolohiya.

Basahin ang artikulo
Ang Paggamit ng Inklusibong Wika sa Filipino tungo sa Pagtamo ng Inklusibong Edukasyon

Ang Paggamit ng Inklusibong Wika sa Filipino tungo sa Pagtamo ng Inklusibong Edukasyon

Jane K. Lartec, Sheila D. Dotimas, Carren Mae R. Maraño, Mary Ann P. Pitas, Jonabeth L. Polido at Kristine L. Senio Saint Louis University, Baguio City

Ang inklusibong edukasyon ay tumutukoy sa kagustuhang malampasan ang mga hadlang sa partisipasyon at pagkatuto ng lahat ng mga mag-aaral sa paaralan- anuman ang kanilang wika, politikal na paninindigan o uring kinabibilangan. Upang matamo ito, mahalaga ang papel na ginagampanan ng inklusibong wika. Kung kaya, layon ng pag-aaral na suriin ang paggamit ng inklusibong wika sa Filipino ng mga guro sa Paaralan ng Edukasyong Pangguro ng Saint Louis University, Baguio City. Ginamit ang deskriptibong pamamaraan upang makuha ang mga datos mula sa labing-anim na respondente.  Lumabas sa resulta ng pag-aaral na ang paggamit ng mga guro ng inklusibong wika sa Filipino ay kalimitang ukol sa mga katawagan sa kapansanang pisikal at mental. Natuklasan ding nangungunang salik ang ugnayan ng wika at kultura sa paggamit ng inklusibong wika tungo sa pagpapatupad ng inklusibong edukasyon.  Sa huli, ang mga mungkahing pamantayan mula sa mga guro ay nagbibigay ng pansin sa lahat ng domeyn ng holistikong pagkatuto gaya ng pagkakaroon ng kaalaman, pagpapahalaga at pagsasagawa.  Samakatwid, kailangang bigyang-pansin ang ugnayan ng wika at edukasyon sa pagtamo ng inklusibong edukasyon sa lahat ng aspekto at larangan.

Basahin ang artikulo