TOMO VII 2023
Views:4948
Downloads:58940429
ABSTRAK
Nilalayon ng papel na ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: (1) Paano ang pagbuo ng modyul para sa Special Filipino (Beginners’ Program) batay sa prinsipyo ni David Wilkins?; (2) Ano-ano ang mga pangangailangan ng mga banyagang mag-aaral ng wikang Filipino bilang pangalawang wika?; (3) Ano ang mga tema at paksang dapat lamanin ng modyul para sa Beginners’ Program?; at (4) Paano isinagawa ang pagtataya sa pagbuo ng modyul?
Sa nabuong modyul, hindi lamang ang kulturang Pilipino ang nakilala ng mga banyaga kundi pati na rin ang kamalayan sa bisyon at misyon ng Pamantasang De La Salle dahil sa paglalakip sa mga gawain ng Expected Lasallian Graduate Attributes (ELGA). Masasabing matagumpay ang isang likhang modyul kung sumailalim ito sa isang masusing proseso ng ebalwasyon at natitiyak ang ang kawastuan ng nilalaman, pedagohiya at ang kabuuang anyo ng modyul.
Mga Susing Salita: modyul, Special Filipino Beginners’ Program, pagtataya, ELGA, epektibong pagtuturo.
Basahin ang artikuloBitbit ng mga salita ng isang wika ang mga halagahan, karanasan, at mga pananaw na nagpapahiwatig ng kulturang lumikha dito. Sa panahon ng COVID 19, maraming salita ang lumaganap kaugnay ng pandemya. Mayroong mga salitang higit na nagagamit upang maipatupad ang iba’t ibang patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Mahalaga ang paggamit ng mabisang wika bilang isa sa mga kasangkapan ng komunikasyong pangkrisis upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pagharap ng krisis panlipunan. Isa sa mga salitang ito ang communicable disease o nakahahawang sakit, ang katangian ng virus na nagbubunga ng malaking problema sa publikong kalusugan sa bansa. Layunin ng pag-aaral na maimapa ang iba’t ibang kahulugan ng salitang communicable disease upang mailarawan ang lawak ng elaborasyon ng terminong ito bilang isang konseptong Pilipino lalo na sa panahon ng pandemya. Isa itong kalitatibong pag-aaral na gumamit ng tatlong lapit sa pagpapakahulugan ng termino: 1) denotasyon mula sa mga panlahat na diksiyonaryo 2) etimolohiya para sa kasaysayan at ebolusyon ng kahulugan ng termino 3) mga diskurso mula sa mga komunidad pangwika gaya ng biyolohiya, kalusugan, ekolohiya, sosyolohiya, at ekonomiya at 4) mga simbolikal na kahulugan salita dulot ng pandemya mula sa aspektong pampolitika, pang-ekonomiya, pansosyolohiya, at pangmidya.
Mga Mahahalagang Konsepto: Komunikasyong Pangkrisis, Intelektuwalisasyon, Kalusugang Pampubliko, Narsing, Saliksik-wika
Basahin ang artikuloIsa sa mga batayang kahingian ng estandardisasyon ng Filipino ang pagbabaybay. Mahalaga ito upang malinang ang angkop na paggamit sa pambansang wika sa lahat ng uri ng komunikasyon tungo sa layunin ng intelektuwalisasyon. Malaking bahagi ng komunikasyong pambansa ang midya, lalo na ang mga pahayagan kung pasulat na komunikasyon ang pag-uusapan. Nakatuon ang pag-aaral sa pagsusuri sa pagbabaybay sa Filipino sa pagsulat ng balita sa mga piling tabloid. Sinuri ang 60 balita mula sa anim (6) na tabloid batay sa mga tuntuning nakapaloob sa Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pamamagitan ng kowding analisis at konteksto ng patakaran sa editing ng mga pahayagan. Mula dito, napag-alaman ng pag-aaral na halos lahat ng mga korpus na ginagamit sa tabloid ay naaayon sa tuntuning inirerekomenda ng MMP ng KWF liban sa ilang tuntunin sa kumpol-katinig (consonant cluster); pagpapalit ng E sa I, at O sa U; at paggamit ng gitling. Gayundin, mahalagang konsiderasyon sa pagbabaybay ang inaasahang katangian ng mambabasa at pasya ng editor sa pagsunod sa mga tuntunging pangwika.
Mga Susing Salita: Tabloid, balita, korpus, kowding, Filipino, MMP, pagbabaybay
Basahin ang artikuloIntegral ang ipinahihiwatig ng mga pelikula sa Pilipinas na direktang nagtampok sa mga kuwentong pag-ibig at paghahanapbuhay ng mga migranteng Pilipino sa ibayong dagat. Patok sa lipunang Pilipino ang mga pelikulang nakakakilig, nakapagbibigay ng ligaya, at inspirasyon. Ngunit hindi din dapat kaligtaan ang isa pang temang maaaring umusbong mula dito—ang kalagayan at danas ng mga karakter, hindi lamang bilang mangingibig, kundi bilang manggagawa din. Kung gayon, pagkalas ito panandalian sa kinasanayang pagtrato sa mga romantic movie ng mga Pilipino sa payak nitong anyo bilang kuwentong pag-ibig lamang. Bagkus, malaong holistikong magsisiwalat sa malawakang diaspora at realidad ng paggawang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Layunin ng artikulong ito na muling ipasundayag ang pagtatalaban ng puso na siyang simbolo ng pag-ibig at kamay na kumakatawan o metapora ng paghahanapbuhay. Partikular na susuyurin ang dalawang pelikula na nasa direksiyon ni Olivia Lamasan, na nagtampok sa mga Pilipino sa Estados Unidos—ang Sana Maulit Muli at In My Life.
Mga Susing Salita: Estados Unidos, pelikula, hanapbuhay, manggagawa, pag-ibig
Basahin ang artikulo
Dalawa ang pangunahing tulak ng papel na ito: una, maitanghal ang Programang Bachelor of Arts in Filipino ng Busan University of Foreign Studies bilang isang panandang-bato sa daloy ng iskolarsyip hinggil sa pagmamapa ng pagtuturo ng wikang Filipino sa South Korea; at ikalawa, mailapat ang mga kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta ng nasabing programa bilang mga implikasyon sa pagtuturo ng wikang Filipino sa labas ng Pilipinas. Tatalakayin sa papel ang sumusunod: ang konteksto ng pagtuturo ng wikang Filipino sa South Korea, ang maikling kasaysayan ng pagkakatatag at kaligiran ng programang BA Filipino sa Busan University of Foreign Studies (BUFS), at ang lumitaw na mga kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta ng nasabing programa. Sa huli, sa pamamagitan ng paglulugar ng mga natunghayang datos, ilalatag ng papel ang ilang implikasyon hinggil sa pagtuturo ng wikang Filipino sa labas ng bansa.
Mga Susing Salita: BUFS, Philippine Track, SWOT, pagtuturo ng wikang Filipino, Filipino bilang banyagang wika
Basahin ang artikuloInaanyayahan ang lahat na magpása ng kanilang artikulo para sa Tomo VIII (2024) ng Hasaan Journal. Tinatanggap ang lahat ng papel tungkol sa lingguwistika, estruktura, pagpaplanong pangwika, pagsasalin, panitikan, aralíng kultural, aralíng Filipino, o anomang disiplina na naisulat sa wikang Filipino. Tatanggap ng lahok hanggang Setyembre 30, 2024. Ipadala ang inyong papel sa hasaanjournal@gmail.com
hit enter to search