Punong Editor: Wennielyn F. Fajilan, PhD
Si Wennielyn F. Fajilan, PhD ay isang katuwang na propesor sa Filipino, mananaliksik, manunulat, at tagasalin. Bahagi siya ng fakulti ng Departamento ng Filipino at kawaksing mananaliksik sa Research Center for Social Sciences and Education ng Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Araling Pilipino, cum laude; Master sa Araling Pilipino at Doktorado sa Pilosopiya sa Filipino Major sa Araling Salin sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nakapag-akda na siya ng mga pananaliksik, maikling kuwento, dula, teksbuk, gabay pangguro at salin. Nakatuon ang kaniyang mga pananaliksik sa pagsasaling pambata, aralíng kultural at aralíng Romblomanon. Naging finalist siya ng mga pambansang timpalak na Virgin Labfest 2011, Sawikaan 2012 at Sawikaan 2020; naging fellow rin siya ng mga pambansang palihan na 2007 DLSU Sangandiwa Graduate Studies Workshop, 2012 UST Creative Writing Workshop, 2013 DLSU Kritika National Workshop on Criticism. Nagawaran din siya ng mga iskolarsyip at grant mula sa Sumitomo Corporation, Faustino Aguilar, UP Presidential Scholarship, Komisyon sa Wikang Filipino, UST Office for Grants, Endowments and Partnerships in Higher Education at ng UST Research Center for Social Sciences and Education. Ang kaniyang disertasyon tungkol sa pagsasaling pambata ang nagwagi ng 2019 KWF Gawad Julian Cruz Balmaseda. Naging tapagtatag na punòng editor siya ng Hasaan, ang opisyal na journal sa Filipino ng UST. Sa kasalukuyan siya ang Tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, isang linangan ng propesyonal na pagsasalin at mga tagasalin sa Filipino.