An San Juliananon: Pagpapahalagang Pilipino sa mga Pilíng Siday Túngo sa Pagbubuo ng Kaakuhang Pilipino

Ang pag-aaral na ito ay pagpapatunay na ang mga siday ng mga Waraynon ay nagtataglay ng mga Pagpapahalagang Pilipino. Tuon ng papel na ito ang tatlong siday mula sa bayan ng San Julian, Silangang Samar: ang “An Pobre” (Dukha) ni Nelia M. Caraga, “Dipensa” (Depensa) ni Romeo Quiloña, at ang “San Julian” ni Edgar Onge. Sa pamamagitan ng Textual Analysis at Archival Research, binigyang-patunay ang karanasan ng mga San Juliananon sa paglalatag ng iláng mga dokumento o mga materyal na makatutulong sa paglalarawan ng kanilang kultura. 11 pagpapahalagang Pilipino ang natukoy mula sa nabanggit na mga siday: pagtitiis o pagtitiyaga, pagpapahalaga sa kapayapaan, paggalang sa matatanda, pagiging mapagkakatiwalaan o ang pagpapahalaga sa tiwala ng iba, pagpapahalaga sa pamilya, pagkakaroon o pagtataglay ng mabuting asal, pagkakaisa, pagpapahalaga sa matatanda, pagmamahal sa bayan, pagbibigay-halaga sa kalikásan, at pagpapahalaga sa kababaihan. Pagpapatunay ang mga ito na mababakas sa kanilang pagkatao ang iláng kaakuhang Pilipino. Hindi lámang ito pagkakakilanlan ng mga San Juliananon bílang isang pamayanan o bayan kundi ito ang nagtutulay sa kanila sa ibang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.