Nakatanim na sa siklo ng búhay at kamatayan ng mga Pilipino ang mga ritwal at kultura hinggil sa paglilibing sa mga yumao. Itinuturing itong paraan upang maipagpatúloy ang kaginhawahan sa loob ng isang barangay o pamayanan upang maproteksiyonan at maging maayos ang kondisyon o/at estado ng pamumuhay ng mga táong naninirahan sa loob nito. Sa pagpasok ng mga Espanyol sa Pilipinas, ipinakilala nila ang bagong interpretasyon sa paglilibing batay sa paniniwalang Kristiyano at ang paggamit ng mga sementeryo bílang espasyo ng mga yumao. Ang ipinatayong mga cementerio general, partikular na ang Cementerio General de La Loma, ay repleksiyon ng tuwirang pagbabago ng mga Espanyol sa paniniwalang Pilipino ukol sa paglilibing at huling hantungan. Ang kasaysayan ng Cementerio General de La Loma ay magsisilbing palatandaan ng mayabong na paniniwala at pakikipagtunggali ng mga Pilipino na ipagpatúloy ang kultura at paniniwala sa hulíng hantungan noong Panahon ng mga Espanyol. Ang paniniwala ng mga Pilipino sa kahalagahan ng himlayan sa siklo ng búhay at kamatayan ang mag-uugnay sa buong kasaysayan ng Cementerio General de La Loma at magbibigay-saysay sa kabuluhan nito sa lipunang Pilipino noong Panahon ng mga Espanyol.