ABSTRAK
Isa sa mga pinakamabiling nobela sa buong mundo sa lahat ng panahon ang A Tale of Two Cities ni Charles Dickens. Bukod sa paglalarawan sa kawalan ng katarungan sa lipunan, mababasa sa mga akda ni Dickens ang mga sosyolektal at diyalektal na baryasyon ng wika sa diyalogo ng kaniyang mga tauhan at sa kaniyang pagsasalaysay. Isang malaking hamon sa sinuman na maitawid sa Filipino ang wika at mensahe ng nobela. Noong 2018, inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pakikipagtulungan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, ang Kuwento ng Dalawang Lungsod, ang aking salin sa Filipino ng A Tale of Two Cities. Gamit ang introspektibong pagsusuri (introspective analysis), sininop sa papel na ito ang apat na yugtong prosesong pinagdaanan ng mahigit dalawang buwang pagsasalin ng nasabing nobela, mula sa pagsusuri sa estilo at kaligirang pangkasaysayan ng akda, sa danas ni Dickens at reaksiyon niya sa kaniyang panahon, at pagtutumbas sa mga salita batay sa mga konsiderasyong pampanitikan at sa mga target na mambabasa, habang ginagabayan ng mga prinsipyo sa pagsasalin nina Peter Newmark at Lawrence Venuti. Sa papel na ito, inisa-isa ang mga sagkâ at solusyong isinagawa para maipaunawa sa mga mambabasa ang konteksto ng nobela. Ipinaliwanag dito ang mga datos na itinalâ ko habang isinasalin ang akda, para magsilbing materyal sa talâbabâ o glosari. Inaasahang makakatulong ito sa mga magsasalin ng A Tale of Two Cities, ng iba pang nobela ni Dickens, at ng iba pang klasikong akdang pandaigdig sa Filipino at sa iba pang katutubong wika ng bansa, sa ikauunlad ng korpus ng ating mga wika at pag-unawa sa talaban ng panitikan, kasaysayan, at danas ng sambayanan.
Mga Susing Salita: pagsasalin, A Tale of Two Cities, Charles Dickens, nobela, KWF