Mga Talinghaga ng Pagkalinga, Mga Retorika ng Pandemya: Kapangyarihan ng mga Infographic at Tungkulin ng Pagsasalin sa Paglupig ng COVID-19

Ang sanaysay na ito ay sumusuri sa mga ipinaskil na mga infographic kaugnay sa pamamahala ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas. Sinusuri nito ang kapangyarihan ng mga pilíng infographic at nagbibigay-puna sa iláng mga halimbawa na nilikha ng mga pamantasan at ahensiya ng pamahalaan. Kaugnay ng paglikha ng infographic sa mga wika ng Pilipinas ang pagdodokumento sa mga tungkulin ng iláng tagasalin mula sa Resilience Institute ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Batay sa pag-aaral, nakita ang agarang pagtupad ng mga batikan at baguhang tagasalin sa hangaring mailigtas ang bansa sa isang krisis pangkalusugan. Ikokompara ng pag-aaral na ito ang mga hakbang ng mga multilingguwal ding bansa tulad ng Tsina at India sa mga hakbang na kaugnay sa tinatawag na emergency linguistics. May rekomendasyon ang pag-aaral na ito upang higit na mapagbuti ang kalagayan ng mga tagasalin sa ating lipunan.

Mga Susing Salita: COVID-19, Pandemya, Pagsasalin, Infographics, Emergency Linguistics