Ang pagsasaranggola ay hindi lámang isang uri ng libangan ng mga Pilipino. Mayroon itong implikasyong ideolohikal. Gaya ng sinabi ni Virgilio Enriquez, ang katutubong laruang saranggola ay nagpapakita ng kakayahang lumikha at gumastos para sa sari-saring materyales, kaya matining ang paghihiwalay ng mayaman at mahirap sa lipunang Pilipino. Sa papel na ito, uugatin ang mga leksikal at semantikong kahulugan ng saranggola bílang salita. Patutunayang isa itong talinghaga, mula’t simula. Babalikan ng papel ang mga bersiyon ng anekdota tungkol sa pagtulong ni Jose Rizal sa kapuwa niya batàng sumabit ang pinalilipad na saranggola sa kampanaryo o kornisa ng katedral. Apokripo man o hindi, iuugnay ito, kasáma ng mga tulang “Saranggola” at “Angkan ng Saranggola” ni Teo Antonio, sa kantang “Saranggola ni Pepe” na nilikha ni Nonoy Gallardo at inawit ni Celeste Legaspi. Ang interseksiyong ito, kasáma na ang reinterpretasyon sa pagsusuri nina B. Sison at Eleanor T. Elequin sa kanta, ay ilalapít sa mga talinghagang binuo ng mga mananaranggola, netizen, at mga makata, sa panahon ng pandemyang dala ng COVID-19.
Mga Susing Salita: Saranggola, Guryon, Talinghaga, COVID-19, Pandemya