Ilan sa mga pinagsusumikapan sa mga pananaliksik ang makahanap ng mga teorya o kaisipan na maiaangkop sa karanasan ng mga táong paksa ng pag-aaral. Gayundin sa panitikan o panunuring pampanitikan, mahalaga ang paggamit ng mga teorya o kasipang mailalápat sa kaisipang taglay ng mga akdang pampanitikang Pilipino. Sa mahabang panahon, naikulong ang mga pag-aaral sa panitikan at pagsusuri sa mga akda sa laging pagtingin sa estruktura o elemento ng akda at sa kaugnayan ng akda sa karanasan ng isang mag-aaral o mambabasá at sa koneksiyon nito sa mga isyung panlipunan, madalas sa politika, sa kalagayang pang-ekonomiya, at sa usaping pangkasarian. Hindi laging nabibigyan ng tuon ang isang napapanahong paksa, ang ugnayan ng tao o ng Pilipino sa kaniyang kapaligiran o sa ekolohiya sa mas malawak na saklaw. Ito ang inihahain ng ekokritisismo bílang batayang kaisipan sa panunuring pampanitikan, ang tingnan ang mga ugnayang ito na nagdudulot ng pagbabago (maaaring masamâ o mabuti) sa kalikásan o sa ekolohiya o ecosphere. Hindi lámang nito tinitingnan ang ugnayan ng tao sa kapuwa-tao, kundi ang ugnayan ng tao sa lahat ng bagay na bahagi ng sistemang tinatawag na ekolohiya o ecosphere. Makatutulong din ang ekokritisismo para sa ganap na pag-unawa sa mga akdang pampanitikan o sa mas epektibong pagsusuri sapagkat lapát sa karanasan ng mga Pilipino ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang kapaligiran o kalikásan.
Mga Susing Salita: Panitikang Pilipino, Philippine Studies, Ecocritical Theory, Literary Studies, Environmental Studies