TOMO VII 2023

TOMO VII 2023

Pagbuo ng Modyul 1 para sa Special Filipino Beginners’ Program sa Baitang 7 ng DLSU Integrated School

Pagbuo ng Modyul 1 para sa Special Filipino Beginners’ Program sa Baitang 7 ng DLSU Integrated School

Princess Gissel Dionela-Servo, Pamantasang De La Salle–Laguna

ABSTRAK

Nilalayon ng papel na ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: (1) Paano ang pagbuo ng modyul para sa Special Filipino (Beginners’ Program) batay sa prinsipyo ni David Wilkins?; (2) Ano-ano ang mga pangangailangan ng mga banyagang mag-aaral ng wikang Filipino bilang pangalawang wika?; (3) Ano ang mga tema at paksang dapat lamanin ng modyul para sa Beginners’ Program?; at (4) Paano isinagawa ang pagtataya sa pagbuo ng modyul?

Sa nabuong modyul, hindi lamang ang kulturang Pilipino ang nakilala ng mga banyaga kundi pati na rin ang kamalayan sa bisyon at misyon ng Pamantasang De La Salle dahil sa paglalakip sa mga gawain ng Expected Lasallian Graduate Attributes (ELGA). Masasabing matagumpay ang isang likhang modyul kung sumailalim ito sa isang masusing proseso ng ebalwasyon at natitiyak ang ang kawastuan ng nilalaman, pedagohiya at ang kabuuang anyo ng modyul.

Mga Susing Salita: modyul, Special Filipino Beginners’ Program, pagtataya, ELGA, epektibong pagtuturo.

Basahin ang artikulo
Semantikal na Elaborasyon ng Salitang “Communicable Disease” sa Panahon ng Pandemya

Semantikal na Elaborasyon ng Salitang “Communicable Disease” sa Panahon ng Pandemya

Jeremiah Victoria T. Dimasacat, Jeffrey Louis V. Din, Chelsea Angela M. Domingo, Aleyah Zoe Hannah R. Dumayag, Chelsea A. Dural, Jonathan Josh H. Duran, Mary Martie L. Durana, Justine Denyll P. Elazegui, Rhon Silhouette Louisse G. Empaynado, at Shanaine Neve A. Escal Unibersidad ng Santo Tomas; Ian Mark P. Nibalvos Samar State University

ABSTRAK

Bitbit ng mga salita ng isang wika ang mga halagahan, karanasan, at mga pananaw na nagpapahiwatig ng kulturang lumikha dito. Sa panahon ng COVID 19, maraming salita ang lumaganap kaugnay ng pandemya. Mayroong mga salitang higit na nagagamit upang maipatupad ang iba’t ibang patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Mahalaga ang paggamit ng mabisang wika bilang isa sa mga kasangkapan ng komunikasyong pangkrisis upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pagharap ng krisis panlipunan. Isa sa mga salitang ito ang communicable disease o nakahahawang sakit, ang katangian ng virus na nagbubunga ng malaking problema sa publikong kalusugan sa bansa. Layunin ng pag-aaral na maimapa ang iba’t ibang kahulugan ng salitang communicable disease upang mailarawan ang lawak ng elaborasyon ng terminong ito bilang isang konseptong Pilipino lalo na sa panahon ng pandemya. Isa itong kalitatibong pag-aaral na gumamit ng tatlong lapit sa pagpapakahulugan ng termino: 1) denotasyon mula sa mga panlahat na diksiyonaryo 2) etimolohiya para sa kasaysayan at ebolusyon ng kahulugan ng termino 3) mga diskurso mula sa mga komunidad pangwika gaya ng biyolohiya, kalusugan, ekolohiya, sosyolohiya, at ekonomiya at 4) mga simbolikal na kahulugan salita dulot ng pandemya mula sa aspektong pampolitika, pang-ekonomiya, pansosyolohiya, at pangmidya.

Mga Mahahalagang Konsepto: Komunikasyong Pangkrisis, Intelektuwalisasyon, Kalusugang Pampubliko, Narsing, Saliksik-wika

Basahin ang artikulo
Pagsusuri sa mga Paraan ng Pagbabaybay ng mga Piling Tabloid sa Filipino

Pagsusuri sa mga Paraan ng Pagbabaybay ng mga Piling Tabloid sa Filipino

Jay-Mar Luza, Bulacan State University

ABSTRAK 

Isa sa mga batayang kahingian ng estandardisasyon ng Filipino ang pagbabaybay. Mahalaga ito upang malinang ang angkop na paggamit sa pambansang wika sa lahat ng uri ng komunikasyon tungo sa layunin ng intelektuwalisasyon. Malaking bahagi ng komunikasyong pambansa ang midya, lalo na ang mga pahayagan kung pasulat na komunikasyon ang pag-uusapan. Nakatuon ang pag-aaral sa pagsusuri sa pagbabaybay sa Filipino sa pagsulat ng balita sa mga piling tabloid. Sinuri ang 60 balita mula sa anim (6) na tabloid batay sa mga tuntuning nakapaloob sa Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pamamagitan ng kowding analisis at konteksto ng patakaran sa editing ng mga pahayagan. Mula dito, napag-alaman ng pag-aaral na halos lahat ng mga korpus na ginagamit sa tabloid ay naaayon sa tuntuning inirerekomenda ng MMP ng KWF liban sa ilang tuntunin sa kumpol-katinig (consonant cluster); pagpapalit ng E sa I, at O sa U; at paggamit ng gitling. Gayundin, mahalagang konsiderasyon sa pagbabaybay ang inaasahang katangian ng mambabasa at pasya ng editor sa pagsunod sa mga tuntunging pangwika.

Mga Susing Salita: Tabloid, balita, korpus, kowding, Filipino, MMP, pagbabaybay

Basahin ang artikulo
Mga Pangako ng Puso, Mga Sakripisyo ng Kamay: Imahen ng Estados Unidos bilang Kanlungang Pilipino Batay sa mga Piling Pelikula ni Olivia Lamasan

Mga Pangako ng Puso, Mga Sakripisyo ng Kamay: Imahen ng Estados Unidos bilang Kanlungang Pilipino Batay sa mga Piling Pelikula ni Olivia Lamasan

Axle Christien J. Tugano, Unibersidad ng Pilipinas, Los Banos

ABSTRAK

Integral ang ipinahihiwatig ng mga pelikula sa Pilipinas na direktang nagtampok sa mga kuwentong pag-ibig at paghahanapbuhay ng mga migranteng Pilipino sa ibayong dagat. Patok sa lipunang Pilipino ang mga pelikulang nakakakilig, nakapagbibigay ng ligaya, at inspirasyon. Ngunit hindi din dapat kaligtaan ang isa pang temang maaaring umusbong mula dito—ang kalagayan at danas ng mga karakter, hindi lamang bilang mangingibig, kundi bilang manggagawa din. Kung gayon, pagkalas ito panandalian sa kinasanayang pagtrato sa mga romantic movie ng mga Pilipino sa payak nitong anyo bilang kuwentong pag-ibig lamang. Bagkus, malaong holistikong magsisiwalat sa malawakang diaspora at realidad ng paggawang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Layunin ng artikulong ito na muling ipasundayag ang pagtatalaban ng puso na siyang simbolo ng pag-ibig at kamay na kumakatawan o metapora ng paghahanapbuhay. Partikular na susuyurin ang dalawang pelikula na nasa direksiyon ni Olivia Lamasan, na nagtampok sa mga Pilipino sa Estados Unidos—ang Sana Maulit Muli at In My Life.

Mga Susing Salita: Estados Unidos, pelikula, hanapbuhay, manggagawa, pag-ibig

Basahin ang artikulo
Kalakasan, Kahinaan, Oportunidad at Banta ng Programang Philippine Track ng Busan University of Foreign Studies: Mga Implikasyon sa Pagtuturo ng Wikang Filipino sa Labas ng Pilipinas

Kalakasan, Kahinaan, Oportunidad at Banta ng Programang Philippine Track ng Busan University of Foreign Studies: Mga Implikasyon sa Pagtuturo ng Wikang Filipino sa Labas ng Pilipinas

Gerard P. Concepcion, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

ABSTRAK

 

Dalawa ang pangunahing tulak ng papel na ito: una, maitanghal ang Programang Bachelor of Arts in Filipino ng Busan University of Foreign Studies bilang isang panandang-bato sa daloy ng iskolarsyip hinggil sa pagmamapa ng pagtuturo ng wikang Filipino sa South Korea; at ikalawa, mailapat ang mga kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta ng nasabing programa bilang mga implikasyon sa pagtuturo ng wikang Filipino sa labas ng Pilipinas. Tatalakayin sa papel ang sumusunod: ang konteksto ng pagtuturo ng wikang Filipino sa South Korea, ang maikling kasaysayan ng pagkakatatag at kaligiran ng programang BA Filipino sa Busan University of Foreign Studies (BUFS), at ang lumitaw na mga kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta ng nasabing programa. Sa huli, sa pamamagitan ng paglulugar ng mga natunghayang datos, ilalatag ng papel ang ilang implikasyon hinggil sa pagtuturo ng wikang Filipino sa labas ng bansa.

Mga Susing Salita: BUFS, Philippine Track, SWOT, pagtuturo ng wikang Filipino, Filipino bilang banyagang wika

Basahin ang artikulo
Ang Kaso ng Estupadong Tao, Resureksiyonista, at ni Jerry Dayunyor: Ilang Talâ sa Pagsasalin sa Filipino ng A Tale of Two Cities ni Charles Dickens

Ang Kaso ng Estupadong Tao, Resureksiyonista, at ni Jerry Dayunyor: Ilang Talâ sa Pagsasalin sa Filipino ng A Tale of Two Cities ni Charles Dickens

Mark Anthony S. Angeles, Unibersidad ng Santo Tomas

ABSTRAK

Isa sa mga pinakamabiling nobela sa buong mundo sa lahat ng panahon ang A Tale of Two Cities ni Charles Dickens. Bukod sa paglalarawan sa kawalan ng katarungan sa lipunan, mababasa sa mga akda ni Dickens ang mga sosyolektal at diyalektal na baryasyon ng wika sa diyalogo ng kaniyang mga tauhan at sa kaniyang pagsasalaysay. Isang malaking hamon sa sinuman na maitawid sa Filipino ang wika at mensahe ng nobela. Noong 2018, inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pakikipagtulungan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, ang Kuwento ng Dalawang Lungsod, ang aking salin sa Filipino ng A Tale of Two Cities. Gamit ang introspektibong pagsusuri (introspective analysis), sininop sa papel na ito ang apat na yugtong prosesong pinagdaanan ng mahigit dalawang buwang pagsasalin ng nasabing nobela, mula sa pagsusuri sa estilo at kaligirang pangkasaysayan ng akda, sa danas ni Dickens at reaksiyon niya sa kaniyang panahon, at pagtutumbas sa mga salita batay sa mga konsiderasyong pampanitikan at sa mga target na mambabasa, habang ginagabayan ng mga prinsipyo sa pagsasalin nina Peter Newmark at Lawrence Venuti. Sa papel na ito, inisa-isa ang mga sagkâ at solusyong isinagawa para maipaunawa sa mga mambabasa ang konteksto ng nobela. Ipinaliwanag dito ang mga datos na itinalâ ko habang isinasalin ang akda, para magsilbing materyal sa talâbabâ o glosari. Inaasahang makakatulong ito sa mga magsasalin ng A Tale of Two Cities, ng iba pang nobela ni Dickens, at ng iba pang klasikong akdang pandaigdig sa Filipino at sa iba pang katutubong wika ng bansa, sa ikauunlad ng korpus ng ating mga wika at pag-unawa sa talaban ng panitikan, kasaysayan, at danas ng sambayanan.

Mga Susing Salita: pagsasalin, A Tale of Two Cities, Charles Dickens, nobela, KWF

Basahin ang artikulo