Tomo VI - 2020

Tomo VI - 2020

“Sabi Nila at Ayon sa Namin: Lisod Sabton!”  Ang mga Etnikong Estereotipo at Pansariling Estereotipo  sa mga Cebuano at Waray sa Visayas State University

“Sabi Nila at Ayon sa Namin: Lisod Sabton!” Ang mga Etnikong Estereotipo at Pansariling Estereotipo sa mga Cebuano at Waray sa Visayas State University

Hilda A. Pedrera, Romeo J. Toring, Jr., at Leslie Anne L. Liwanag

Maituturing na multi-etniko at multikultural na institusyon ang Visayas State University sa Lungsod ng Baybay sa Leyte. Karamihang binubuo ng mga etnolingguwistikong grupong Waray at Cebuano ang populasyon ng institusyon. Ang saliksik na ito ay isang komparatibong pag-aaral sa mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo ng dalawang etnolingguwistikong grupo. Sa pamamagitan ng minodipikang Katz at Braly na listahan ng mga katangian, nagawa ng papel na (1) magbahagi ng profile ng mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo ng dalawang etnolingguwistikong grupo, (2) matukoy ang uniformity indices, (3) matukoy ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng indices, (4) maihambing at mapag-iba ang kani-kanilang profile ng mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo, (5) maihambing at mapag-iba ang uniformity indices ng kanilang etnikong estereotipo at pansariling estereotipo, at (6) maihambing at mapag-iba ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng indices ng kanilang etnikong estereotipo at pansariling estereotipo. Makabuluhan ang pag-aaral hindi lámang para mabatid ang pagkakaiba kung paano binuo ng dalawang etnolingguwistikong grupo ang kani-kanilang estereotipo at kani-kanilang pansariling estereotipo, ngunit para mailatag ang mga preliminaryong impormasyon na maaaring magdulot ng pagbatid ng mga puwersa sa mga natukoy na etnolingguwistikong grupo, at kalaunan, makabuo ng mas nagkakaunawaang komunidad sa VSU, ng mga mamamayan sa Lungsod ng Baybay, at ng mga naninirahan sa Probinsiya ng Leyte. Mahalaga ang pananaliksik upang makapag-ambag sa hanay ng mga modelong pag-aaral na maaaring pagbatayan ng iba pang multikultural na institusyon at lokasyon sa bansa.

Mga Susing Salita: Visayas State University, Cebuano, Waray, Etnikong Estereotipo sa Pilipinas, Pansariling Etnikong Estereotipo

Basahin ang artikulo
Varayti ng Wikang Surigaonon: Isang Pagsusuri sa Ponemang /J/ at /Y/

Varayti ng Wikang Surigaonon: Isang Pagsusuri sa Ponemang /J/ at /Y/

Aisah B. Camar

Layunin ng papel na ito na mailahad at maipakilala ang mga varayti ng wikang Surigaonon – ang Surigaonon-Cantilan at Surigaonon-Tandag. Batay sa layunin ay pinagsikapang matugonan ang mga sumusunod: Ano-ano ang mga sosyolingguwistikong varyabol sa malimit na paggamit ng ponemang /j/ at /y/ sa wikang Surigaonon? Ano-ano ang mga salitâng Surigaonon-Cantilan na kinapapalooban ng ponemang /j/ na nagiging ponemang /y/ sa Surigaonon-Tandag? Ano-ano ang mga katangiang ponolohikal na nagaganap kapag ang ponemang /j/ sa Surigaonon-Cantilan ay nagiging ponemang /y/ sa Surigaonon-Tandag?  Batay sa natuklasan, ang wikang Surigaonon ay isang multilinggwal na wika. Karamihan sa mga salitâng Surigaonon-Cantilan na may ponemang /j/ ay nagiging /y/ sa Surigaonon-Tandag. Ilan sa mga katangiang ponolohikal ay ang: (1) ponemang /j/ ay isang glayd na kagaya ng /y/; (2) ang ponemang /j/ at /y/ ay matatagpuan sa anomang kaligiran at karamihan sa mga salita ay pandiwa; (3) batay sa pantig, ang mga ponemang /j/ at /y/ ay tumatabi sa mga patinig na /a/, /e/, /i/, /o/, /u/ sa loob ng pantig, at sa mga ponemang katinig naman na /d/, /g/, /k/, /n/, /ŋ/, /t/, /w/ na bagama’t magkatabí sa loob ng salita, kapag pinantig ay nagkakahiwalay; (4) ang mga salitâng Surigaonon-Cantilan na may ponemang /j/ ay nagiging /d/, /l/, at /w/ sa Surigaonon-Tandag; at (5) ang Surigaonon-Cantilan ay gumagamit din ng ponemang /y/ na nagiging /l/ at /r/ sa Surigaonon-Tandag. Sa madaling sabi, ang varayti ng wikang Surigaonon na Surigaonon-Cantilan at Surigaonon-Tandag ay may “mutual intelligibility’’ o parehong gumagamit ng mga ponemang /d/, /l/, /w/, at /r/ maliban pa sa malimit na paggamit ng ponemang /j/ at /y/ dahilan upang ang mga táong gumagamit ng naturang varayti ng wikang Surigaonon ay magawang makipagkomunikasyon at maunawaan ang isa’t isa.

Mga Susing Salita: Wikang Surigaonon, Cantilangnon, Tandaganon, Varayti ng Wika, Ponema

Basahin ang artikulo
Kasaysayang Búhay ni Kapitan Moy (1851-1891)  sa Konteksto ng Kasaysayang Mariqueño

Kasaysayang Búhay ni Kapitan Moy (1851-1891) sa Konteksto ng Kasaysayang Mariqueño

Axle Christien J. Tugano

Patúloy nating kolektibong ginugunita ang kadakilaan ng mga bayaning Pilipino sa iba’t ibang sektor, panahon at perspektiba ngunit mababatid nating hindi pa rin sapat ang pagpapahalaga sa kanila dahil (1) limitado ang kaalaman hinggil sa kanila, (2) nagiging mailap ang mga datos patungkol sa kanila at (3) higit na binibigyang-pansin ang mga bayaning matagal nang iniangat sa pedestal. Laganap ang pananalambúhay sa mga ganitong bayaning nasa pedestal buhat pa noong panahong kolonyal hanggang sa kasalukuyan. Taliwas dito, itinatampok sa pag-aaral na ito ang kasaysayang-búhay ng hindi gaanong kilaláng bayaning si Laureano Guevara o Kapitan Moy.  Higit sa pagiging media clase ng lipunang Mariqueño, tinugunan niya ang iláng pangangailangan ng kaniyang mga kababayan partikular na kaugnay ng mga suliraning panlipunan.  Ang kasaysayang pampook ng Mariquina ay dumaan sa kolonyal na pagbabago sa kalinangan, pamumuhay at maging sa pamamahala.  Bagama’t mailap ang mga talâ tungkol kay Kapitan Moy, sinikap ng pag-aaral na ito na lagumin ang kalát-kalát na mga impormasyon o talâ tungkol sa kaniyang búhay bílang isang Mariqueño at kung paano niya ipinamalas ang kaniyang kabayanihan sa apatnapung taon niyang búhay (1851-1891) bílang isang ama, asawa, musikero, politiko, negosyante, bayani at isang MARIQUEÑO.

Mga Susing Salita: Kapitan Moy, Kasaysayang Búhay, Laureano Guevara, Mariquina

Basahin ang artikulo
1872-1892: Ang Katwiran at ang Kababalaghan ng Kaayusang Kolonyal sa Trilohiya ng Nobelang Pangkasaysayan ni Gabriel Beato Francisco

1872-1892: Ang Katwiran at ang Kababalaghan ng Kaayusang Kolonyal sa Trilohiya ng Nobelang Pangkasaysayan ni Gabriel Beato Francisco

Christoffer Mitch C. Cerda

Susuriin ng sanaysay na ito ang trilohiya ng nobelang pangkasaysayan ni Gabriel Beato Francisco—ang Fulgencia Galbillo (1907), Capitan Bensio (1907) at Alfaro (1907). Bibigyang-tuon ang diskursong pangkasaysayan na binubuo ni Francisco sa kabuoan ng trilohiya. Samakatuwid, ilalahad ang bisyon o pananaw pangkasaysayan ni Francisco at kung paano niya isinasalaysay sa anyo ng nobelang pangkasaysayan ang mga suliraning panlipunan na naging ugat ng Himagsikan ng 1896. Sa partikular, bibigyang-pansin kung paano isinalaysay ang pamamalakad ng kolonyal na sistema at kung paano ito naging larangan ng tunggalian sa pagitan ng mga sekular na opisyal ng pamahalaan at ng praylokrasyang itinatag ng mga paring Español. Susuriin ang mga konsepto ng “katwiran” at “kababalaghan” bílang mga pangunahing konseptong gagamítin ng mga nobela upang kumatawan sa nagtutunggaliang panig bukod pa sa mga pamamaraang parehong ginamit ng dalawang panig. Sa ganitong paraa’y malalantad ang tatawagin kong alegoryang pangkasaysayan ng trilohiya. Gámit ng pagkatha ng mga nobelang pangkasaysayan, maaaring mabatid ang pananaw ni Gabriel Beato Francisco hindi lámang tungkol sa nakaraan ng Pilipinas, kundi pinapansin din ang kasalukuyan nitong kalagayan at binabanaag ang landas nito para sa hinaharap. Sa ganito’y muling isasakonteksto ang trilohiya sa kaligiran ng pagtatatag ng kolonyalismong Amerikano. Gayundin, nakapaloob sa mga nobela ang mga halagahang magiging pundasyon ng isang malayang bansang Filipino—ang pamamayani ng katwiran túngo sa kaunlaran ng sambayanang Filipino.

Mga Susing Salita: Nobelang Pangkasaysayan, Alegoryang Pangkasaysayan, Praylokrasya, Kababalaghan, Katwiran

Basahin ang artikulo
Mga Talinghaga ng Pagkalinga, Mga Retorika ng Pandemya: Kapangyarihan ng mga Infographic at Tungkulin ng Pagsasalin  sa Paglupig ng COVID-19

Mga Talinghaga ng Pagkalinga, Mga Retorika ng Pandemya: Kapangyarihan ng mga Infographic at Tungkulin ng Pagsasalin sa Paglupig ng COVID-19

Eugene Y. Evasco

Ang sanaysay na ito ay sumusuri sa mga ipinaskil na mga infographic kaugnay sa pamamahala ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas. Sinusuri nito ang kapangyarihan ng mga pilíng infographic at nagbibigay-puna sa iláng mga halimbawa na nilikha ng mga pamantasan at ahensiya ng pamahalaan. Kaugnay ng paglikha ng infographic sa mga wika ng Pilipinas ang pagdodokumento sa mga tungkulin ng iláng tagasalin mula sa Resilience Institute ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Batay sa pag-aaral, nakita ang agarang pagtupad ng mga batikan at baguhang tagasalin sa hangaring mailigtas ang bansa sa isang krisis pangkalusugan. Ikokompara ng pag-aaral na ito ang mga hakbang ng mga multilingguwal ding bansa tulad ng Tsina at India sa mga hakbang na kaugnay sa tinatawag na emergency linguistics. May rekomendasyon ang pag-aaral na ito upang higit na mapagbuti ang kalagayan ng mga tagasalin sa ating lipunan.

Mga Susing Salita: COVID-19, Pandemya, Pagsasalin, Infographics, Emergency Linguistics

Basahin ang artikulo
Mga Talinghaga ng Saranggola sa Panahon ng Pandemya

Mga Talinghaga ng Saranggola sa Panahon ng Pandemya

Mark Anthony S. Angeles

Ang pagsasaranggola ay hindi lámang isang uri ng libangan ng mga Pilipino. Mayroon itong implikasyong ideolohikal. Gaya ng sinabi ni Virgilio Enriquez, ang katutubong laruang saranggola ay nagpapakita ng kakayahang lumikha at gumastos para sa sari-saring materyales, kaya matining ang paghihiwalay ng mayaman at mahirap sa lipunang Pilipino. Sa papel na ito, uugatin ang mga leksikal at semantikong kahulugan ng saranggola bílang salita. Patutunayang isa itong talinghaga, mula’t simula. Babalikan ng papel ang mga bersiyon ng anekdota tungkol sa pagtulong ni Jose Rizal sa kapuwa niya batàng sumabit ang pinalilipad na saranggola sa kampanaryo o kornisa ng katedral. Apokripo man o hindi, iuugnay ito, kasáma ng mga tulang “Saranggola” at “Angkan ng Saranggola” ni Teo Antonio, sa kantang “Saranggola ni Pepe” na nilikha ni Nonoy Gallardo at inawit ni Celeste Legaspi. Ang interseksiyong ito, kasáma na ang reinterpretasyon sa pagsusuri nina B. Sison at Eleanor T. Elequin sa kanta, ay ilalapít sa mga talinghagang binuo ng mga mananaranggola, netizen, at mga makata, sa panahon ng pandemyang dala ng COVID-19.

Mga Susing Salita: Saranggola, Guryon, Talinghaga, COVID-19, Pandemya

Basahin ang artikulo
Hulagway ng Pagwasak sa Kalikásan at Kapaligiran:  Ang mga Eko-Panitikang Manobo na Nagtatanghal ng mga Hámong Ekolohikal

Hulagway ng Pagwasak sa Kalikásan at Kapaligiran: Ang mga Eko-Panitikang Manobo na Nagtatanghal ng mga Hámong Ekolohikal

Fe S. Bermiso

Layunin ng pananaliksik na mailahad ang iba’t ibang hulagway o larawan ng pagkawasak ng kalikásan at kapaligiran na inilalarawan ng mga eko-panitikan. Dinalumat ang mga eko-panitikang-bayan ng Tribong Manobo sa Timog Agusan gámit ang lente ng ekokritisismong minatori na nagbibigay-tuon sa paglalahad ng mga banta na dalá ng tao sa kalikásan. Paulit-ulit na binása ang nalikom na mga panitikang-bayan upang limiin ang iba’t ibang hulagway ng pagkawasak ng kalikásan at kapaligiran. Ang mga konsepto na nakuha mula sa mga oral na panitikan ay pinagtibay ng mga kaugnay na konseptong lumabas sa Focus Group Discussion (FGD) kasáma ang mga miyembro ng Konsehu tu Manigaon o Konseho ng Matatanda ng mga Manobo.

Natuklasan na ang mga eko-panitikang bayan ng tribong Manobo ay nakapaglalarawan kung paano nawasak ang kalikásan sa lupang minana ng tribong Manobo. Nagsisilbing komprehensibong hulagway ang mga eko-panitikan sa mga hámong ekolohikal gaya ng labis na migrasyon o pandarayuhan, labis na materyalismo o pagkagahaman sa materyal na bagay, at mga pagbabago na nakasasamâ sa kalikásan. Samakatuwid, ang mga eko-panitikang-bayan ng tribong Manobo na sinuri at dinalumat sa pag-aaral ay nakapaglalarawan ng relasyong minatori sa pagitan ng tao at kalikásan.

Mga Susing Salita: Eko-Panitikan, Hulagway ng Pagwasak, Eko-Kritisismong Minatori, Hámong Ekolohikal

Basahin ang artikulo
Ugnayan ng mga Ugnayan: Ang Pag-usbong ng Ekokritisismo Bílang Batayáng Kaisipan sa Panunuring Pampanitikan

Ugnayan ng mga Ugnayan: Ang Pag-usbong ng Ekokritisismo Bílang Batayáng Kaisipan sa Panunuring Pampanitikan

Ian Mark P. Nibalvos

Ilan sa mga pinagsusumikapan sa mga pananaliksik ang makahanap ng mga teorya o kaisipan na maiaangkop sa karanasan ng mga táong paksa ng pag-aaral. Gayundin sa panitikan o panunuring pampanitikan, mahalaga ang paggamit ng mga teorya o kasipang mailalápat sa kaisipang taglay ng mga akdang pampanitikang Pilipino. Sa mahabang panahon, naikulong ang mga pag-aaral sa panitikan at pagsusuri sa mga akda sa laging pagtingin sa estruktura o elemento ng akda at sa kaugnayan ng akda sa karanasan ng isang mag-aaral o mambabasá at sa koneksiyon nito sa mga isyung panlipunan, madalas sa politika, sa kalagayang pang-ekonomiya, at sa usaping pangkasarian. Hindi laging nabibigyan ng tuon ang isang napapanahong paksa, ang ugnayan ng tao o ng Pilipino sa kaniyang kapaligiran o sa ekolohiya sa mas malawak na saklaw. Ito ang inihahain ng ekokritisismo bílang batayang kaisipan sa panunuring pampanitikan, ang tingnan ang mga ugnayang ito na nagdudulot ng pagbabago (maaaring masamâ o mabuti) sa kalikásan o sa ekolohiya o ecosphere. Hindi lámang nito tinitingnan ang ugnayan ng tao sa kapuwa-tao, kundi ang ugnayan ng tao sa lahat ng bagay na bahagi ng sistemang tinatawag na ekolohiya o ecosphere. Makatutulong din ang ekokritisismo para sa ganap na pag-unawa sa mga akdang pampanitikan o sa mas epektibong pagsusuri sapagkat lapát sa karanasan ng mga Pilipino ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang kapaligiran o kalikásan.

Mga Susing Salita: Panitikang Pilipino, Philippine Studies, Ecocritical Theory, Literary Studies, Environmental Studies

Basahin ang artikulo
Pagsusuring Moral sa mga Pilíng Tagpo sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Pagsusuring Moral sa mga Pilíng Tagpo sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Clarissa Mae E. Paranas, Niña Jesusa G. Reyes, at Nixon Paul J. Sumaoang

Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay mga nobelang isinulat ni Dr. Jose P. Rizal na sumasalamin sa kalagayan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Español. Ikinubli ni Rizal ang mga di-makatáong pagtrato ng mga Español sa mga itinuring na Indio sa pamamagitan ng mga pangyayari at mga karakter sa kaniyang dalawang akda. Mula sa Teorya ng Moral na Pag-unlad (Theory of Moral Development) ng isang Amerikanong Sikolohistang si Lawrence Kohlberg ay sinuri ng papel na ito ang 10 tagpo na nagpapakita ng katungkulang moral sa dalawang nobela gámit ang Antas at Yugto ng Moral na Pag-unlad ni Kohlberg (Kohlberg’s Levels and Stages of Moral Development). Mula sa ginawang pagsusuri, napagtanto ng papel na ito na gumamit si Rizal ng estratehiya upang ipakita na ang aksiyong isinagawa ng ahente sa bawat tagpo ay taliwas sa kaniyang kabuoang moralidad, bagaman ang pamamaraang ito ay nagdulot sa mga mambabása ng Noli at Fili iba’t ibang interpretasyon at pagkaunawa sa mga isinulat ng may-akda. Mapanghámon ang mga nobela ni Rizal na sumusubok sa tradisyonal na kaugalian at panuntunan ng Pilipinas maging sa pagkukunwari ng lipunang Pilipino. Malaki ang naging gampanin ng nabuong tema na sumisimbolo sa mga isyung panlipunang nais palutangin ni Rizal. Gayunpaman, dahil sa mataas na pangangatwirang moral na nakapaloob sa kaniyang mga gawa, nararapat na gamítin ito hindi lámang bílang materyal sa pag-aaral ng Filipino at sa mga kaugnay na larang, kundi pati rin sa pag-aaral ng kritisismo sa politika at lipunan, maging sa pag-aaral ng etika at moralidad, partikular na sa konteksto ng Pilipinas.

Mga Susing Salita: Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Pagsusuring Moral, Moral Development Theory, Kohlberg’s Level and Stages of Moral Development

Basahin ang artikulo
Ang Bag-Ong Kinaiya sa Pagtuon sa Panahon ng Pandemya ng mga Maristang Gradwadong Mag-Aaral sa Filipino

Ang Bag-Ong Kinaiya sa Pagtuon sa Panahon ng Pandemya ng mga Maristang Gradwadong Mag-Aaral sa Filipino

Jun Yang Badie

May banyuhay! May bágong anyo ng búhay sa pagkatuto. Dahil sa pandemyang Coronavirus Disease o Covid-19, nagkaroon ng bag-ong kinaiya sa pagtuon o bágong normal sa pagkatuto ang mga mag-aaral sa iba’t ibang antas sa iba’t ibang paaralan sa bansa. Ang pandemya ay nagdulot ng iba’t ibang mukha ng kuwarantena na mahigpit na nagbawal sa pagbibiyahe, mass gathering, at pisikal na kontak ng mga guro sa mga mag-aaral na tradisyonal na pamamaraan sa pagtuturo at pagkatuto o ang face-to-face learning. Dahil dito, sumibol ang ganap na online learning na sa kaso ng Pilipinas ay biláng na biláng lámang ang mga pamantasang nakapagsimula at nakagamit nito bago pa man ang pandemya gaya ng Unibersidad ng Pilipinas, La Salle, Ateneo, Unibersidad ng Santo Tomas, at University of San Carlos (Nuncio 2020). Samantala, ang Notre Dame of Marbel University (NDMU) sa Lungsod Koronadal, South Cotabato na kauna-unahang Marist University sa Rehiyon 12, sa Mindanao, at sa buong Pilipinas ay nagsumikap din para sa ganap na online na pagtuturo ng mga propesor sa antas gradwado para sa klaseng pang-summer. Ang papel na ito ay naglaláyong ilarawan sa pamamagitan ng tematikong pagsusuri ang kalikasán, kalakasan, at karanasan ng/sa bag-ong kinaiya sa pagtuon ng tanang Maristang gradwadong mag-aaral sa Filipino noong unang modyul ng klaseng pang-summer 2020. Batay sa ginawang pagsusuri, nabuo ang 5K modelong balangkas sa bag-ong kinaiya sa pagtuon na maaaring makatulong sa mga administrador, guro, at mag-aaral sa iba’t ibang antas at paaralan lalo na sa pagharap sa bágong normal sa pagtuturo at pagkatuto.

Mga Susing Salita: Maristang Gradwadong Mag-aaral sa Filipino, Notre Dame of Marbel Univesity, Bag-ong Kinaiya sa Pagtuon, Pandemya, 5K Modelong Balangkas

Basahin ang artikulo