mga-artikulo

mga-artikulo

Ang Paggamit ng Inklusibong Wika sa Filipino tungo sa Pagtamo ng Inklusibong Edukasyon

Ang Paggamit ng Inklusibong Wika sa Filipino tungo sa Pagtamo ng Inklusibong Edukasyon

Jane K. Lartec, Sheila D. Dotimas, Carren Mae R. Maraño, Mary Ann P. Pitas, Jonabeth L. Polido at Kristine L. Senio Saint Louis University, Baguio City

Ang inklusibong edukasyon ay tumutukoy sa kagustuhang malampasan ang mga hadlang sa partisipasyon at pagkatuto ng lahat ng mga mag-aaral sa paaralan- anuman ang kanilang wika, politikal na paninindigan o uring kinabibilangan. Upang matamo ito, mahalaga ang papel na ginagampanan ng inklusibong wika. Kung kaya, layon ng pag-aaral na suriin ang paggamit ng inklusibong wika sa Filipino ng mga guro sa Paaralan ng Edukasyong Pangguro ng Saint Louis University, Baguio City. Ginamit ang deskriptibong pamamaraan upang makuha ang mga datos mula sa labing-anim na respondente.  Lumabas sa resulta ng pag-aaral na ang paggamit ng mga guro ng inklusibong wika sa Filipino ay kalimitang ukol sa mga katawagan sa kapansanang pisikal at mental. Natuklasan ding nangungunang salik ang ugnayan ng wika at kultura sa paggamit ng inklusibong wika tungo sa pagpapatupad ng inklusibong edukasyon.  Sa huli, ang mga mungkahing pamantayan mula sa mga guro ay nagbibigay ng pansin sa lahat ng domeyn ng holistikong pagkatuto gaya ng pagkakaroon ng kaalaman, pagpapahalaga at pagsasagawa.  Samakatwid, kailangang bigyang-pansin ang ugnayan ng wika at edukasyon sa pagtamo ng inklusibong edukasyon sa lahat ng aspekto at larangan.

Basahin ang artikulo
Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Varyasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula

Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Varyasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula

Julieta A. Cruz-Cebrero JH Cerilles State College, Zamboanga Del Sur

Ang mga Subanen ay isa sa mga etnikong pangkat na naninirahan sa Zamboanga Peninsula. Isinagawa ang pag-aaral upang malaman ang linggwistikong pagkakaiba sa wikang   Subanen na ginagamit sa Lapuyan, Zamboanga del Sur at sa Sindangan, Zamboanga del Norte. Kinalap ang mga katawagang kultural sa siklo ng buhay, pangkabuhayan at pananampalataya sa pamamagitan ng pamamaraang indehinus nina Santiago at Enriquez. Sinuri ang mga ito gamit ang kwalitatibo, kwantitatibo at deskriptibong pamamaraan. Sa huli, natuklasan na ang dalawang dayalek na Subanen ay may varyasyon sa leksikon, morpolohiya at ponolohiya.

Basahin ang artikulo
Ang Diyalektika ng Pilosopiyang Filipino batay kay Theodor Adorno

Ang Diyalektika ng Pilosopiyang Filipino batay kay Theodor Adorno

Jovito V. Cariño Departamento ng Pilosopiya Unibersidad ng Santo Tomas

Ang pilosopiyang Filipino ay karaniwang inilalarawan bilang pagsisiwalat ng katutubong kaisipan. Kaakibat nito  ang paghimok ng paggamit ng wikang Filipino tungo sa paghahanap ng pananaw na sariling-atin bilang patunay na ang logos ay umusbong din sa ating sariling kalinangan. Bagamat hindi matatawaran ang mga nakamit na ng pagsisikap na ito, naninindigan pa rin ako na ang pilosopiyang Filipino, bilang isang lehitimong pilosopikal na diskurso, ay hindi dapat ituring na kasangkapan lamang sa pagbuo ng identidad o kaya tulay lamang upang buhayin muli ang pambansang gunita ng isang lumipas na hindi pa nadudungisan. Kung nais nating palawakin ang ating kakayanang mamilosopiya bilang mga Filipino, hindi natin dapat hayaan ang pilosopiyang Filipino na makulong sa diskurso ng identidad o nasyonalismo.  Mas magiging makabuluhan ang panukalang  ito kung aalahanin natin na ang sarili bilang isang konsepto ay malaon nang problematiko. Sa papel na ito, sinikap na ilapat ang mga kaisipan tungkol sa diyalektika ni Theodor Adorno sa pagbabakasakali na makasumpong ng iba pang posibilidad para sa pilosopiyang Filipino.  Naging gabay sa pagtalakay ang tanong na: May pupuntahan ba ang pilosopiyang Filipino liban sa diskurso ng sariling-atin?  Nananalig ang papel na ito na may puwang pa ang pilosopiyang Filipino sa labas ng tunggalian ng Silangan at Kanluran, ng katutubo at ng dayuhan, ng atin at ng hiram. Sa panahon na tuluyan nang binago ng globalisasyon ang ating tradisyonal na pag-unawa tungkol sa pagkabansa, kultura at akademikong disiplina, hindi na maikakaila pa ng mga tagapagsulong at mananaliksik ng pilosopiyang Filipino ang pangangailangan na muling usisain kung sino nga ba tayo bilang Filipino habang sinisikap nating gawing mas makabuluhan pa ang pilosopiya sa ating kasalukuyang panahon.

Basahin ang artikulo
Si Roque Ferriols, Wika, at ang Larong Basketbol

Si Roque Ferriols, Wika, at ang Larong Basketbol

Emmanuel C. De Leon Departamento ng Pilosopiya Unibersidad ng Santo Tomas

Ang papel na ito ay tumatalakay sa gawaing pilosopikal na iminumungkahi ni Roque Ferriols, isang paring Heswita, dalubguro, at pilosopo. Sa unang bahagi ng papel, masinsinang inuugat ang proyekto ng nasabing pilosopo. Nakasentro sa pagmumulat sa halaga ng gawaing pagpapakatao at pagkahiwatig ni Ferriols sa potensyal ng wika ang papel na ito. Sa pagkagising at pagkamulat natin sa reyalidad ng wika bilang tahanan ng katotohanan, kailangan itong itaas sa nibel ng epistemolohiya. Kasama rito ang hamon ng pag-iisip sa gilid-gilid. Sa huling bahagi ng papel, isang matapat na pagtingin sa larong basketbol ang ating matatagpuan upang magbigay ng isang kongkretong praktikum sa uring pag-iisip na inilalarawan ni Ferriols. Penomenolohikal ang pamamaraan. Hindi ito nagnanais na maglagay ng mga ganap na depenisyon, bagkus layunin lamang nitong maglarawan ng uring kaisipan mula sa mga tuwirang sinabi ni Ferriols sa kanyang mga sinulat at sa mga pahiwatig nito.

Basahin ang artikulo
Desposoryo: Katekesis sa mga Mag-iisang Dibdib sa mga Gilid-gilid at Suluk-sulok ng mga Bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan

Desposoryo: Katekesis sa mga Mag-iisang Dibdib sa mga Gilid-gilid at Suluk-sulok ng mga Bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan

Arvin D. Eballo Institute of Religion Unibersidad ng Santo Tomas

Desposoryo ang tawag sa pinakahuling yugto ng proseso ng pamamanhikan para sa mga ikakasal sa mga bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan. Isa itong ritwal ng pagkakasundo sa pagitan ng mga pamilya na kinasasangkutan rin ng mga tagabaryo. Upang unawain ang kabuluhang kultural ng desposoryo, nangalap ng etnograpikong datos ang mananaliksik sa pamamagitan ng pamamaraang K. Ang pamamaraang K ay nakatuon sa obserbasyon at pakikilahok kaya nakaayon sa kamalayan at buhay ng mga Tagalog. Nahahati ito sa tatlong hakbang ng panunuri ayon sa: Katalaan, Karanasan at Kahulugan. Sa pamamagitan nito, isiniwalat ng papel ang mga aral at epekto ng desposoryo sa mga mag-iisang dibdib; sinuri ang mga kaugaliang Bulakenyo na nakapaloob dito; at pinatunayan kung paanong ang kaugaliang ito ay isang halimbawa ng inkulturadong (inculturation) katekesis na pinagyayaman ang kulturang Tagalog at Kristiyanong pananampalataya.

Basahin ang artikulo
Pasubo bilang Panata: Pagbabalik, Pagtatagpo at Pagdiriwang sa Pook Pangkalinangan ng Pateros

Pasubo bilang Panata: Pagbabalik, Pagtatagpo at Pagdiriwang sa Pook Pangkalinangan ng Pateros

Voltaire M. Villanueva Pamantasang De La Salle-Maynila

Nakatuon ang papel sa pasubo, isang ritwal na pangunahing bahagi ng pista ng Pateros. Gamit ang pamamaraang etnograpiko, nangalap ng datos upang suriin ang ritwal bilang batayan ng  mayamang kalinangang bayan. Batay sa lapit na historikal, tatalakayin ng pag-aaral ang ugat ng pasubo bilang panata ng mga magbabalut kay Santa Marta na sa pagdaloy ng panahon ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo at kahulugang kultural. Sa pagsusuri sa ritwal bilang pagwiwika, nagpapahiwatig ito ng  paraan ng pagkontrol sa pagkilos upang isabuhay at ilapat ang mga tungkuling panlipunan. Dahil dito, nagkakaroon ng ugnayan ng mga mamamayang taal (kaugnay ng pagbabalut) at di-taal (dayo at nais sumaksi sa pasubo) na taga-Pateros. Sa huli, inilatag ng pag-aaral ang  paglahok sa pasubo bilang “pagbabalik,” “pagtatagpo,” at “pasasalamat” na bunga ng maigting at organikong ugnayan ng tao sa kapaligiran at isang produkto ng talastasang bayan.

Basahin ang artikulo
Ang Apat na Proseso ng Sáling-Awit

Ang Apat na Proseso ng Sáling-Awit

Michael M. Coroza

Ipinaliliwanag sa papel na ito kung paanong isang nakamihasnan at tanyag na pangkalahatang tawag lámang ang “sáling-awit” (song translation) sa isang higit na komplikadong lingguwistiko at malikhaing praktis na malaking bahagi ng pag-unlad ng makasaysayan at popular na musikang Filipino. Bukod sa aktuwal na pagsasalin ng kanta, na siyáng pinakaangkop na tawaging “sáling-awit,” may nagaganap pang “halaw-awit,” “palít-awit,” at “lápat-awit.” Gámit ang Pambansang Awit ng Filipinas, bílang pangunahing halimbawa ng “lápat-awit” at “halaw-awit,” at ang iláng teksto ng mga naisaplakang popular na kanta noong dekada kuwarenta at singkuwenta, bílang mga halimbawa ng “palít-awit,” tinutukoy at nililinaw dito ang pagkakaiba ng apat na proseso at ang mga pangwika, pangkultura, at panlipunang implikasyon ng mga ito. Ganap na nirerebisa dito ng awtor ang mga panimulang pagkakategorya sa naunang pag-aaral na ginawa niya tungkol sa kasaysayan, sining, at proseso ng “saling-awit” na nalathala noong 2010 at naging pangunahing sanggunian tungkol sa nasabing paksa. Pahapyaw na pinagtutuonang-pansin din sa kasalukuyang pagtalakay ang mga tentatibong konsiderasyong pang-estetika at pang-etika sa praktika ng “sáling-awit” bílang isang mahalagang aspekto o sangay ng pagsasaling-pampanitikan.

Basahin ang artikulo
Sulyap sa Kritisismo ni Romualdo Abulad sa Pamimilosopiyang Filipino

Sulyap sa Kritisismo ni Romualdo Abulad sa Pamimilosopiyang Filipino

Emmanuel C. de Leon

Isang kritikal na pagbása ito sa iláng primaryang teksto ni Romualdo Abulad upang maiulat ang uri ng diskurso niya na maaari nating ipagpatuloy o lapatan ng puna. Partikular na pinagtuonan ng pansin dito ang kaniyang kritisismo hinggil sa uri ng pamimilosopiya sa ating bansa. Sinimulan ang papel sa pamamagitan ng pagtalakay sa uri, layunin, at pamamaraan ng pagpunang maka-Abulad. Gayundin, binigyang-pansin sa pag-aaral na ito ang iláng paksang nilapatan niya ng pagsusuri tulad ng postmodernismo, pilosopiyang Filipino, at wika ng pilosopiya sa ating bansa

Basahin ang artikulo
Becik, Batik, Betik: Pagpapatúloy ng mga Simbolismo ng Lahing Austronesyo sa Pagbabatik/ Pagtatatu sa Pilipinas at Malaysia

Becik, Batik, Betik: Pagpapatúloy ng mga Simbolismo ng Lahing Austronesyo sa Pagbabatik/ Pagtatatu sa Pilipinas at Malaysia

Arvin Lloyd B. Pingul, Freddielyn B. Pontemayor at Rhoderick V. Nuncio

Mula sa iisang lahi ang Pilipinas at Malaysia sang-ayon sa pag-aaral na may kinalaman sa paksaing Austronesyo. May mahabang kasaysayan ng ugnayan ang dalawang bansang ito, di lámang sa ekonomikong aspekto, kundi lalo’t higit sa kultural na batayan, at isa na rito ang paggamit ng mga simbolo sa pagbabatik/pagtatatu na nakaugat pa sa relihiyon ng pag-aanito sa mundong Austronesyo. Bagamat naging parehong kolonya ang dalawang bansa ng mga Kanluranin na nagpalawak di lámang ng kapangyarihan kundi maging ng merkado, hindi tuluyang naalis/nakalimutan ang kalinangang nakaugat sa mga bansang ito. Sa kasalukuyan, nagpapatúloy pa rin ang iláng tradisyonal na pang-araw-araw na búhay ng ilang bahagi ng mga bansang ito gaya ng pagbabatik. Nariyan pa rin ang pagpupukpok o tapping process sa pagbabatik na sa kasalukuyan ay dinarayo pa sa kabundukan ng Cordillera ng mga tagasiyudad upang makapagpatatu kay Whang Od. Gayundin, mayroon pa ring kahalintulad na ganitong paraan ng pagbabatik sa Malaysia, sa kaso halimbawa ng mga Iban, Kayan at Dayak. Hindi kataka-taka sa kasalukuyan na kahit nariyan pa rin ang tradisyonal na paraan ng pagbabatik, naghahalinhinan ang tradisyonal at modernong pagbabatik sa mga bansang ito na ang pinakanag-uugnay ay ang mga simbolismong nakaugat sa kanilang malalim na kasaysayan.

Basahin ang artikulo
Ang Ambag at Gampanin ng Cementerio General de la Loma sa Lipunang Pilipino Noong Panahon ng mga Espanyol, 1863-1884

Ang Ambag at Gampanin ng Cementerio General de la Loma sa Lipunang Pilipino Noong Panahon ng mga Espanyol, 1863-1884

Chen V. Ramos

Nakatanim na sa siklo ng búhay at kamatayan ng mga Pilipino ang mga ritwal at kultura hinggil sa paglilibing sa mga yumao. Itinuturing itong paraan upang maipagpatúloy ang kaginhawahan sa loob ng isang barangay o pamayanan upang maproteksiyonan at maging maayos ang kondisyon o/at estado ng pamumuhay ng mga táong naninirahan sa loob nito. Sa pagpasok ng mga Espanyol sa Pilipinas, ipinakilala nila ang bagong interpretasyon sa paglilibing batay sa paniniwalang Kristiyano at ang paggamit ng mga sementeryo bílang espasyo ng mga yumao. Ang ipinatayong mga cementerio general, partikular na ang Cementerio General de La Loma, ay repleksiyon ng tuwirang pagbabago ng mga Espanyol sa paniniwalang Pilipino ukol sa paglilibing at huling hantungan. Ang kasaysayan ng Cementerio General de La Loma ay magsisilbing palatandaan ng mayabong na paniniwala at pakikipagtunggali ng mga Pilipino na ipagpatúloy ang kultura at paniniwala sa hulíng hantungan noong Panahon ng mga Espanyol. Ang paniniwala ng mga Pilipino sa kahalagahan ng himlayan sa siklo ng búhay at kamatayan ang mag-uugnay sa buong kasaysayan ng Cementerio General de La Loma at magbibigay-saysay sa kabuluhan nito sa lipunang Pilipino noong Panahon ng mga Espanyol.

Basahin ang artikulo