TOMO V - 2019

TOMO V - 2019

Ang Apat na Proseso ng Sáling-Awit

Ang Apat na Proseso ng Sáling-Awit

Michael M. Coroza

Ipinaliliwanag sa papel na ito kung paanong isang nakamihasnan at tanyag na pangkalahatang tawag lámang ang “sáling-awit” (song translation) sa isang higit na komplikadong lingguwistiko at malikhaing praktis na malaking bahagi ng pag-unlad ng makasaysayan at popular na musikang Filipino. Bukod sa aktuwal na pagsasalin ng kanta, na siyáng pinakaangkop na tawaging “sáling-awit,” may nagaganap pang “halaw-awit,” “palít-awit,” at “lápat-awit.” Gámit ang Pambansang Awit ng Filipinas, bílang pangunahing halimbawa ng “lápat-awit” at “halaw-awit,” at ang iláng teksto ng mga naisaplakang popular na kanta noong dekada kuwarenta at singkuwenta, bílang mga halimbawa ng “palít-awit,” tinutukoy at nililinaw dito ang pagkakaiba ng apat na proseso at ang mga pangwika, pangkultura, at panlipunang implikasyon ng mga ito. Ganap na nirerebisa dito ng awtor ang mga panimulang pagkakategorya sa naunang pag-aaral na ginawa niya tungkol sa kasaysayan, sining, at proseso ng “saling-awit” na nalathala noong 2010 at naging pangunahing sanggunian tungkol sa nasabing paksa. Pahapyaw na pinagtutuonang-pansin din sa kasalukuyang pagtalakay ang mga tentatibong konsiderasyong pang-estetika at pang-etika sa praktika ng “sáling-awit” bílang isang mahalagang aspekto o sangay ng pagsasaling-pampanitikan.

Basahin ang artikulo
Sulyap sa Kritisismo ni Romualdo Abulad sa Pamimilosopiyang Filipino

Sulyap sa Kritisismo ni Romualdo Abulad sa Pamimilosopiyang Filipino

Emmanuel C. de Leon

Isang kritikal na pagbása ito sa iláng primaryang teksto ni Romualdo Abulad upang maiulat ang uri ng diskurso niya na maaari nating ipagpatuloy o lapatan ng puna. Partikular na pinagtuonan ng pansin dito ang kaniyang kritisismo hinggil sa uri ng pamimilosopiya sa ating bansa. Sinimulan ang papel sa pamamagitan ng pagtalakay sa uri, layunin, at pamamaraan ng pagpunang maka-Abulad. Gayundin, binigyang-pansin sa pag-aaral na ito ang iláng paksang nilapatan niya ng pagsusuri tulad ng postmodernismo, pilosopiyang Filipino, at wika ng pilosopiya sa ating bansa

Basahin ang artikulo
Becik, Batik, Betik: Pagpapatúloy ng mga Simbolismo ng Lahing Austronesyo sa Pagbabatik/ Pagtatatu sa Pilipinas at Malaysia

Becik, Batik, Betik: Pagpapatúloy ng mga Simbolismo ng Lahing Austronesyo sa Pagbabatik/ Pagtatatu sa Pilipinas at Malaysia

Arvin Lloyd B. Pingul, Freddielyn B. Pontemayor at Rhoderick V. Nuncio

Mula sa iisang lahi ang Pilipinas at Malaysia sang-ayon sa pag-aaral na may kinalaman sa paksaing Austronesyo. May mahabang kasaysayan ng ugnayan ang dalawang bansang ito, di lámang sa ekonomikong aspekto, kundi lalo’t higit sa kultural na batayan, at isa na rito ang paggamit ng mga simbolo sa pagbabatik/pagtatatu na nakaugat pa sa relihiyon ng pag-aanito sa mundong Austronesyo. Bagamat naging parehong kolonya ang dalawang bansa ng mga Kanluranin na nagpalawak di lámang ng kapangyarihan kundi maging ng merkado, hindi tuluyang naalis/nakalimutan ang kalinangang nakaugat sa mga bansang ito. Sa kasalukuyan, nagpapatúloy pa rin ang iláng tradisyonal na pang-araw-araw na búhay ng ilang bahagi ng mga bansang ito gaya ng pagbabatik. Nariyan pa rin ang pagpupukpok o tapping process sa pagbabatik na sa kasalukuyan ay dinarayo pa sa kabundukan ng Cordillera ng mga tagasiyudad upang makapagpatatu kay Whang Od. Gayundin, mayroon pa ring kahalintulad na ganitong paraan ng pagbabatik sa Malaysia, sa kaso halimbawa ng mga Iban, Kayan at Dayak. Hindi kataka-taka sa kasalukuyan na kahit nariyan pa rin ang tradisyonal na paraan ng pagbabatik, naghahalinhinan ang tradisyonal at modernong pagbabatik sa mga bansang ito na ang pinakanag-uugnay ay ang mga simbolismong nakaugat sa kanilang malalim na kasaysayan.

Basahin ang artikulo
Ang Ambag at Gampanin ng Cementerio General de la Loma sa Lipunang Pilipino Noong Panahon ng mga Espanyol, 1863-1884

Ang Ambag at Gampanin ng Cementerio General de la Loma sa Lipunang Pilipino Noong Panahon ng mga Espanyol, 1863-1884

Chen V. Ramos

Nakatanim na sa siklo ng búhay at kamatayan ng mga Pilipino ang mga ritwal at kultura hinggil sa paglilibing sa mga yumao. Itinuturing itong paraan upang maipagpatúloy ang kaginhawahan sa loob ng isang barangay o pamayanan upang maproteksiyonan at maging maayos ang kondisyon o/at estado ng pamumuhay ng mga táong naninirahan sa loob nito. Sa pagpasok ng mga Espanyol sa Pilipinas, ipinakilala nila ang bagong interpretasyon sa paglilibing batay sa paniniwalang Kristiyano at ang paggamit ng mga sementeryo bílang espasyo ng mga yumao. Ang ipinatayong mga cementerio general, partikular na ang Cementerio General de La Loma, ay repleksiyon ng tuwirang pagbabago ng mga Espanyol sa paniniwalang Pilipino ukol sa paglilibing at huling hantungan. Ang kasaysayan ng Cementerio General de La Loma ay magsisilbing palatandaan ng mayabong na paniniwala at pakikipagtunggali ng mga Pilipino na ipagpatúloy ang kultura at paniniwala sa hulíng hantungan noong Panahon ng mga Espanyol. Ang paniniwala ng mga Pilipino sa kahalagahan ng himlayan sa siklo ng búhay at kamatayan ang mag-uugnay sa buong kasaysayan ng Cementerio General de La Loma at magbibigay-saysay sa kabuluhan nito sa lipunang Pilipino noong Panahon ng mga Espanyol.

Basahin ang artikulo
#RoadToAdulthood: Isang Pagsipat sa Danas ng Pagsapit ng Kamuwangan sa Pelikulang Milenyal Na #Y

#RoadToAdulthood: Isang Pagsipat sa Danas ng Pagsapit ng Kamuwangan sa Pelikulang Milenyal Na #Y

Christopher Bryan A. Concha at Mariz S. Autor

Tinatalakay ng isang coming of age film ang naratibo ng transisyon ng isang karakter mula sa pagbibinata o pagdadalaga (adolescence) túngo sa ganap na gulang (adulthood). Sa Pilipinas, isa ang pelikulang #Y (2014) ni Gino Santos sa mga kinikilalang halimbawa ng Filipino coming of age film. Kaiba sa mga nauna rito tulad ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) ni Aureus Solito, espesipikong ginamit ni Santos ang perspektiba ng henerasyong Milenyal, partikular na ang mga nasa gitnang-uri. Tinalakay niya rito ang iláng napapanahong isyu ng kabataang Milenyal tulad ng pagtaas ng bílang ng mga nagpapakamatay. Sa ganitong diwa, nilalayon ng papel na sipatin kung paano ipinakita sa pelikulang #Y ang pagdanas at/o pagharap ng mga karakter na Milenyal sa yugto ng coming of age. Tinangkang sagutin ng saliksik ang sumusunod na katanungan: (a) ano-anong imahen ng kabataang Milenyal ang sinasalamin ng pelikula; (b) ano-anong karanasan ng kabataang Milenyal ang binibigyang-diin sa pelikula; at (c) paano naapektuhan ng mga danas na ito ang pananaw at paraan ng pakikipag-ugnayan ng mga pangunahing tauhan. Isinakatuparan ang pag-aaral gámit ang metodong iminungkahi ni Jens Eder sa pagsusuri ng mga tauhan sa pelikula. Ipinaliwanag naman ang mga nakalap na datos sa gabay ng konseptong paglalabintaunin ni Virgilio Enriquez batay sa paliwanag ni Roberto Javier, Jr. at ng teoryang Emerging Adulthood ni Jeffrey Arnett. Bahagi ang saliksik na ito ng mas malaking proyektong naglalayong ilarawan ang genre ng coming of age film batay sa karanasan at kulturang Pilipino.

Basahin ang artikulo
An San Juliananon: Pagpapahalagang Pilipino sa mga Pilíng Siday Túngo sa Pagbubuo ng Kaakuhang Pilipino

An San Juliananon: Pagpapahalagang Pilipino sa mga Pilíng Siday Túngo sa Pagbubuo ng Kaakuhang Pilipino

Ian Mark P. Nibalvos

Ang pag-aaral na ito ay pagpapatunay na ang mga siday ng mga Waraynon ay nagtataglay ng mga Pagpapahalagang Pilipino. Tuon ng papel na ito ang tatlong siday mula sa bayan ng San Julian, Silangang Samar: ang “An Pobre” (Dukha) ni Nelia M. Caraga, “Dipensa” (Depensa) ni Romeo Quiloña, at ang “San Julian” ni Edgar Onge. Sa pamamagitan ng Textual Analysis at Archival Research, binigyang-patunay ang karanasan ng mga San Juliananon sa paglalatag ng iláng mga dokumento o mga materyal na makatutulong sa paglalarawan ng kanilang kultura. 11 pagpapahalagang Pilipino ang natukoy mula sa nabanggit na mga siday: pagtitiis o pagtitiyaga, pagpapahalaga sa kapayapaan, paggalang sa matatanda, pagiging mapagkakatiwalaan o ang pagpapahalaga sa tiwala ng iba, pagpapahalaga sa pamilya, pagkakaroon o pagtataglay ng mabuting asal, pagkakaisa, pagpapahalaga sa matatanda, pagmamahal sa bayan, pagbibigay-halaga sa kalikásan, at pagpapahalaga sa kababaihan. Pagpapatunay ang mga ito na mababakas sa kanilang pagkatao ang iláng kaakuhang Pilipino. Hindi lámang ito pagkakakilanlan ng mga San Juliananon bílang isang pamayanan o bayan kundi ito ang nagtutulay sa kanila sa ibang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.

Basahin ang artikulo
Pahinang Pang-editoryal

Pahinang Pang-editoryal

HASAAN Journal Lupong Patnugutan

HASAAN
Opisyal na Taunang Refereed Journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas
Kolehiyo ng Edukasyon – Departamento ng Filipino
Unibersidad ng Santo Tomas, Maynila
ISSN 2718-9759

Basahin ang artikulo
Mensahe ng Dekana ng UST Kolehiyo ng Edukasyon

Mensahe ng Dekana ng UST Kolehiyo ng Edukasyon

Assoc. Prof. Pilar I. Romero, LPT, PhD