“Sabi Nila at Ayon sa Namin: Lisod Sabton!” Ang mga Etnikong Estereotipo at Pansariling Estereotipo sa mga Cebuano at Waray sa Visayas State University
Maituturing na multi-etniko at multikultural na institusyon ang Visayas State University sa Lungsod ng Baybay sa Leyte. Karamihang binubuo ng mga etnolingguwistikong grupong Waray at Cebuano ang populasyon ng institusyon. Ang saliksik na ito ay isang komparatibong pag-aaral sa mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo ng dalawang etnolingguwistikong grupo. Sa pamamagitan ng minodipikang Katz at Braly na listahan ng mga katangian, nagawa ng papel na (1) magbahagi ng profile ng mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo ng dalawang etnolingguwistikong grupo, (2) matukoy ang uniformity indices, (3) matukoy ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng indices, (4) maihambing at mapag-iba ang kani-kanilang profile ng mga etnikong estereotipo at pansariling estereotipo, (5) maihambing at mapag-iba ang uniformity indices ng kanilang etnikong estereotipo at pansariling estereotipo, at (6) maihambing at mapag-iba ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng indices ng kanilang etnikong estereotipo at pansariling estereotipo. Makabuluhan ang pag-aaral hindi lámang para mabatid ang pagkakaiba kung paano binuo ng dalawang etnolingguwistikong grupo ang kani-kanilang estereotipo at kani-kanilang pansariling estereotipo, ngunit para mailatag ang mga preliminaryong impormasyon na maaaring magdulot ng pagbatid ng mga puwersa sa mga natukoy na etnolingguwistikong grupo, at kalaunan, makabuo ng mas nagkakaunawaang komunidad sa VSU, ng mga mamamayan sa Lungsod ng Baybay, at ng mga naninirahan sa Probinsiya ng Leyte. Mahalaga ang pananaliksik upang makapag-ambag sa hanay ng mga modelong pag-aaral na maaaring pagbatayan ng iba pang multikultural na institusyon at lokasyon sa bansa.
Mga Susing Salita: Visayas State University, Cebuano, Waray, Etnikong Estereotipo sa Pilipinas, Pansariling Etnikong Estereotipo
Basahin ang artikulo