#RoadToAdulthood: Isang Pagsipat sa Danas ng Pagsapit ng Kamuwangan sa Pelikulang Milenyal Na #Y
Tinatalakay ng isang coming of age film ang naratibo ng transisyon ng isang karakter mula sa pagbibinata o pagdadalaga (adolescence) túngo sa ganap na gulang (adulthood). Sa Pilipinas, isa ang pelikulang #Y (2014) ni Gino Santos sa mga kinikilalang halimbawa ng Filipino coming of age film. Kaiba sa mga nauna rito tulad ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) ni Aureus Solito, espesipikong ginamit ni Santos ang perspektiba ng henerasyong Milenyal, partikular na ang mga nasa gitnang-uri. Tinalakay niya rito ang iláng napapanahong isyu ng kabataang Milenyal tulad ng pagtaas ng bílang ng mga nagpapakamatay. Sa ganitong diwa, nilalayon ng papel na sipatin kung paano ipinakita sa pelikulang #Y ang pagdanas at/o pagharap ng mga karakter na Milenyal sa yugto ng coming of age. Tinangkang sagutin ng saliksik ang sumusunod na katanungan: (a) ano-anong imahen ng kabataang Milenyal ang sinasalamin ng pelikula; (b) ano-anong karanasan ng kabataang Milenyal ang binibigyang-diin sa pelikula; at (c) paano naapektuhan ng mga danas na ito ang pananaw at paraan ng pakikipag-ugnayan ng mga pangunahing tauhan. Isinakatuparan ang pag-aaral gámit ang metodong iminungkahi ni Jens Eder sa pagsusuri ng mga tauhan sa pelikula. Ipinaliwanag naman ang mga nakalap na datos sa gabay ng konseptong paglalabintaunin ni Virgilio Enriquez batay sa paliwanag ni Roberto Javier, Jr. at ng teoryang Emerging Adulthood ni Jeffrey Arnett. Bahagi ang saliksik na ito ng mas malaking proyektong naglalayong ilarawan ang genre ng coming of age film batay sa karanasan at kulturang Pilipino.
Basahin ang artikulo